POLITICS
Boses ng NUP sa pag-impeach kay Duterte, namaos na?

2/27/26, 2:30 PM
Dating matibay na sumuporta sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, humina na sa hanay ng pro-administration National Unity Party ang malakas na boses na humihiling na tanggalin siya sa posisyon.
Ito ay napag-alaman matapos na magpalabas ng party statement ang NUP na pag-amin ng posibilidad na ayawan ng mga kasapi ang impechment.
Sa pahayag, sinabi ng partido na ito ay dahil sa ang bagong impeachment complaint ay hindi suportado ng bagong malakas na ebidensya ng pagkakasala ng pangalawang pangulo.
Ngunit agad naman pinabulaanan ni House Deputy Speaker Ronaldo Puno, tagapangulo ng NUP, ang pahayag ni party secretary general Reginal Velasco.
Ipinaliwanag ni Puno na hindi party stand ang isinaad sa statement ngunit isa lamang “consensus of the ones that I have talked to.”
Ang pahayag ni Puno sa isang online interview ng media, ay nagbibigay buhay sa mga ispekulasyon na hindi na nagkakaisa ang NUP sa usapin impeachment laban kay Duterte.
Bago ito, may mga political observers ang nagbigay ng paniniwala na ang maagang pag-deklara ni VP Sara ng pagtakbo bilang pangulo sa 2028 ay taktika upang ibuwal ang dating malakas na pagkakaisa ng mga mambabatas na suportahan ang impeachment.
Sa mga survey ng iba’t-ibang kumpanya, hindi natitinag si Duterte bilang pinaka-popular at suportadong lider sa pamahalaan. Nangunguna rin siya sa mga presidential surveys.
