POLITICS
Bam Aquino hinihikayat tumakbo ng pangulo sa 2028

4/20/26, 8:00 AM
NAGA CITY, Camarines Sur — Sa gitna ng panawagan para sa pagkakaisa ng sambayanan at pagtalikod sa nakasanayang politika ng katiwalian at padrino, pormal na nanawagan ang mga lider ng 'IM k LENI' movement kay Senador Paolo Benigno 'Bam' Aquino IV na tumakbo bilang pangulo sa presidential elections sa 2028.
Ayon sa kilusan, na binubuo ng mga boluntaryong nagmula sa tinaguriang 'Pink Campaign' noong 2022, ang naging resulta ng 2025 midterm elections, na kung saan muling nahalal sina Aquino at Kiko Pangilinan sa Senado, ay patunay na nananatiling buhay at malakas ang panawagan ng mamamayan para sa 'gobyernong tapat'.
Sa mensahe ni IM k LENIE secretary-general Elmer Argaño, tinukoy niyang nasa isang mahalagang yugto ang ating bansa dahil sa lumalalim na hidwaang politikal at mga pagbabago sa pambansang direksyon.
Ani Argaño, si Senador Bam Aquino ang kumakatawan sa tinaguriang nilang 'modern center' at isang lider na may kakayahang pavkasunduin at pag-isahin ang magkakaibang panig.
“Ang mga Pilipino, lalo na ang kabataan, ay naghahanap ng lider na hindi lamang kilala ang pangalan kundi may malinaw na paninindigan at konkretong nagagawa,” pinunto nito.
Dagdag pa, “Habang abala ang mga tradisyunal na dinastiya sa agawan ng kapangyarihan, nananatiling consistent si Bam Aquino—progresibo sa pananaw ngunit praktikal sa pagbuo ng pagkakasundo. Siya ang lider na kayang magbuklod sa isang hati-hating bansa.”
Iginiit din ng mga miyembro ng IM k LENI na ang track record ng pamangkin ng yumaong Pangulong Corazon 'Cory' Cojuangco-Aquino sa larangan ng edukasyon at labor at maging sa pagsuporta ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) ay nagsisilbing matibay na pundasyon para sa pagsulong sa pagbangon ng ating ekonomiya.
Binigyang-diin naman ng Visayas coordinator ng kilusan na si Nick Malazarte na ang tunay na lakas ni Aquino ay ang kanyang malalim na ugnayan sa grassroots o karaniwang mamamayan na palagian niyang pinaprayoridad sa kanyang legislative agenda bilang senador.
“Napatunayan natin noong 2022 at lalo pang pinagtibay noong 2025 kung ano ang kayang gawin ng sama-samang pagkilos,” tinukoy ni Malazarte.
“Sa 2028, layunin nating gawing mas malawak na kilusan ang apoy ng pag-asa—isang liwanag na gagabay sa kinabukasan ng bawat kabataang Pilipino,” dagdag pa nito.
Sa huli, inanunsyo ng pamunuan ng IM k LENI Movement na magsasagawa sila ng iba’t ibang aktibidad at pakikipag-ugnayan sa ibang mga organisasyon na may kahintulad nilang adhikain upang palakasin ang panawagan para sa posibleng kandidatura ni Aquino.
“Hinihikayat namin ang (mga) kabataan na maging aktibo sa paghubog ng susunod na administrasyon at tiyakin na ang magiging pangulo ay tunay na 'Pangulo ng Bayan',” idiniin ng kilusan.
