NEWS
SA GULO SA GITNANG SILANGAN
AFP nakatutok, handa sa mass evacuation

3/2/26, 1:00 PM
Ni Tracy Cabrera
KAMPO AGUINALDO, Lungsod Quezon — Agad na inanunsyo ng Department of Defense (DND) na masusing sinusubaybayan ng kagawaran ang situwasyon sa Gitnang Silangan kasama ang DFA, DMW, at iba pang mga ahensya ng gobyerno habang nagpapatuloy ang pagsalakay ng Estabos Unidos at Israel sa militar ng Iran.
Ayon kay DND spokesperson assistant secretary Arsenio Andolong, sa kabila na ang kaguluhan sa kasalukuyan ay nananatili lamang sa Gitnang Silangan at walang inaasahang direktang banta sa Pilipinas, maging sa mga Pilipino at dayuhang nasa bansa, pinaigting pa rin ang pag mo-monitor sa lahat ng mga kaganapan ukol sa mga pagsalakqy at digmaan.
"Nanatiling handa ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na tumugon sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan, kasama na ang paglikas sakaling ito ay ipag-utos," hinayag ni Andolong.
Gayun man, nagpaalala din ang kalihim sa sambayanan: “Hinihikayat namin ang publiko na maging mapagmatyag laban sa dis-impormasyon at kinokondena natin ang mga pagpapalaganap ng takot sa ganitong mga pagkakataon.”
Ayon pa sa tagapagsalita ng DND, nakahanda sila at ang AFP na tumugon sa mga posibleng mangyari, kabilang ang posibleng suporta sa paglikas at koordinasyon sa pagtugon sa krisis para sa mga Pilipino sa mga apektadong bansa, kung kakailanganin batay sa situwasyon.
“Ang proteksyon ng ating mga kababayan sa ibayong-dagat ay ating pangunahing prayoridad, lalo na sa gitna ng mabilis at nagbabagong kalagayang pangseguridad,” aniya.
Sa kabilang dako, tinukoy naman si AFP Public Information Office chief Colonel Xerxes Trinidad na tinitiyak ng buong sandatahang lakas na mananatili ng matatag ang seguridad ng bansa habang hinihimok ang publiko na maging kalmado at mapamatiyag din laban sa disinformation at dumipende sa mga balitang nagmula sa verified government sources.
Nilinaw din ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na sa kasalukuyan, nananatiling limitado sa rehiyon ng Gitnang Silangan ang tension makaraan ang pagsalakay ng US at Israel sa ilang piling nuclear installation ng Iran.
“Nanawagan kami sa publiko na manatiling kalmado, maging mapanuri, at umasa lamang sa mga opisyal na channel para sa tamang impormasyon. Ang pagpapakalat ng hindi beripikadong ulat at disimpormasyon ay nagdudulot lamang ng hindi kinakailangang pangamba,” paalala ni Padilla.
Kaugnay nito, nanatiling nakaantabay ang AFP upang suportahan ang tugon ng pambansang pamahalaan kung sakaling kailanganin ng situwasyon.
“Sa utos, handa kaming tumulong sa mga humanitarian missions, evacuation efforts, at posibleng repatriation operations para sa mga Pilipino sa mga apektadong lugar. May nakahandang mga contingency measures upang matiyak ang maagap at koordinadong aksyon,” pinunto ni Trinidad.
