NEWS
Proteksyon sa mga OFW sa Middle East dapat nang siguruhin

Si Senador 'Bam' Aquino. (Larawan mula sa Philippine News Agency)
3/7/26, 7:45 AM
Ni Tracy Cabrera
SENADO, Lungsod ng Pasay — Prayoridad ngayon ni Senador Paolo Benigno 'Bam' Aquino IV ang paglatag ng pamahalaan ng mekanismo para matiyak ang kaligtasan, proteksyon at kahandaan sa repatriation ng mga overseas Filipino workers (OFW) na apektado sa lumalaganap na kaguluhan sa Middle East.
Sa isinusulong na Senate Resolution 321, binigyang-diin ni Aquino ang bigat at panganib na madamay ang mga migranteng Pilipino sa mga conflict-affected area sa Gitnang Silangan matapos ang pagkasawi ng Pinay caregiver na si Mary Ann de Vera sanhi ng drone attack ng Iran sa Tel Aviv, Israel.
"Ang kawalan ng katatagan sa usaping ito ay banta sa buhay at kabuhayan ng ating mga kababayang Pilipino dahil sa lumalawak na saklaw ng mga pagsalakay at karanasan na lubhang nakaapekto na sa araw-araw na buhay ng mga Pilipino sa Middle East," ikinatuwiran ng senador.
Kailangan aniya ang mabilis na pagkilos ng ating gobyerno upang matiyak na establisado na ang pag-monitor, pagtulong, paglikas at repatriation ng ating mga kababayan kung kinakailangan.
Tinukoy ng pinsang buo ng yumaong dating pangulong Benigno Simeon 'Noynoy' Aquino III na kabilang sa dapat mapaghandaan ang pre-identification ng mga evacuation corridor, transport contracting,
contingency shelter at close coordination sa mga host government ng mga bansang apektado ng krisis.
Umapila rin si Aquino na magbigay ang pamahalaang Marcos Jr. ng welfare at legal assistance bukod sa tulong pinansyal, emergency livelihood support, psychosocial services at reintegration para sa mga ligtas na nakabalik na mga migranteng manggagawa mula sa Gitnang Silangan.
