top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

NEWS

Pangmatagalang solusyon kontra baha ikinakasa na ng gobyerno

Nakasama ni Pangulong 'Bongbong' Marcos Jr. sina Naga City mayor 'Leni' Robredo at DPWH secretary 'Vince' Dizon sa pag-inspeksyon ng flood control project sa nasabing lungsod. (Larawan mula sa Facebook)

2/24/26, 2:56 AM

Ni Tracy Cabrera

MALAKANYAN, Maynila — Sa gitna ng inisyatibo ng mga awtoridad na habulin at panagutin ang mga sangkot sa iskandalo ng flood control, sinisiguro ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. na aktibong tinatrabaho ng kanyang administrasyon ang mga pangmatagalang solusyon upang matugunan ang problema sa malawakang pagbaha sa bansa.

Nitong nakaraang Sabado (Pebrero 21), pinangunahan ni Pangulo Marcos Jr. ang pag-inspeksyon sa nagpapatuloy na mga gawain para sa flood mitigation sa ilalim ng Oplan Kontra Baha, partikular na sa Sagop Creek ng Barangay Triangulo sa Naga City at gayun din sa kalapit na Bgy. Concepcion Pequeña.

Matapos ang inspeksyon, hinayag ng punong ehekutibo ang pagnanasa niyang masolusyunan ang problema sa pagbaha dahil malaki ang impact nito sa buhay ng bawat pamilyang Pilipino at gayun din sa negosyo at Hanapbuhay.

“This is only the beginning. Ito, desiltation lamang ito. Kagaya ng mga ginagawa natin sa ibang lugar, this is not going to be one time,” pinunto ng pangulo.

“We will keep doing this until we have the more long-term solutions at hopefully, if we design everything properly, hindi na natin kailangan paulit-ulit na binabalik-balikan,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng ikinasang Oplan Kontra Baha ng Department of Public Works and Highways (DPWH), layunin ng ahensya na mabawasan ang epekto ng pagbaha sa pamamagitan ng mga agarang on-the-ground intervention na binalangkas upang maging maayos ang pagdaloy ng tubig-ulan o pag-apaw ng mga ilog saaraming lugar sa bansa.

Kabilang sa mga hakbang na isinasagawa ay ang declogging ng mga kanal, pag-alis ng mga illegal obstruction o harang sa mga daluyan ng tubig, river dredging, rehabilitasyon ng mga pumping station, pagmimintine ng mga istraktura para sa flood-control at mobilisasyon ng kagamitan at tauhan sa mga flood-prone area.

Kinilala rin ng Pangulo na malaki pa ang kailangang gawin ng pamahalaan, lalo na sa harap ng epekto ng climate change na nagdudulot ng mas hindi inaasahang pagbaha: “This is what we are trying to remedy. Malaking trabaho ito. It will take time, but marami na tayong interventions na pwedeng gawin, such as the pools that we are going to put up.”

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page