NEWS
Pagbagsak ng presyo ng krudo, maaaring umabot sa higit PhP10

4/11/26, 6:00 AM
Ni Ralph Cedric Edralin
Mula PhP2.50 hanggang PhP3.50 na pagbaba ng presyo ng krudo nitong Biyernes, umaasa ang mga ekperto na aabot sa Php6.50 hanggang Php10 ang posibleng pagbulusok ng produktong petrolyo sa darating na linggo.
Ito ang mainam na resulta ng dalawang linggong tigil putukan sa pagitan ng magkakamping Estados Unidos at Israel laban sa Iran.
Sa pangunguna ng Vatican City, marami sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig ang nagdarasal na sana ay manatili na ang kapayapaan sa Gitnang Silangan na bukod sa naging sanhi ng pagbagsak ng pandaigdigang ekonomya ay naging dahilan ng kamatayan ng aabot sa 3,400 katao, kasama ang malaking numbilero ng sibilyan.
Dalawang araw matapos na magdeklara ng ceasefire at pumayag ang Iran na buksan na ang Strait of Hormuz sa mga barkong nagdadala ng 20 porsiyento ng langis sa mundo, bahagyang bumaba sa Pilipinas ang presyo ng krudo - PhP.250 hanggang PhP3.50.
Hindi malayo na bumaba na rin ang halaga ng bawat litro ng gasolina at ng kerosena.
Ayon sa isang source mula sa industriya ng langis, maaaring hindi lamang PhP6.50 ang ibababa ng presyo ng krudo, kundi mula PhP8.00 hanggang PhP10.80.
Umaasa rin ang source na bumaba sa PhP1.50 hanggang PhP2.50 ang bawat litro ng gasolina.
Sakaling maging matibay ang tigil putukan sa loob ng dalawang linggo, higit na malaki ang aasahang pagbulusok ng presyo.
