

LATEST NEWS
Paasa lang ang gobyerno sa mga manggagawa tuwing Labor Day

5/1/25, 8:33 AM
Ni Tracy Cabrera
BATASAN, Lungsod Quezon — Sa tuwing sasapit ang Labor Day, sa halip na disente at nakakabuhay na sahod ang regalo ng gobyerno ay puro pagpapaasa na lang ang ibinibigay sa mga manggagawa na pare binalewala na sila ang siyang tunay na bumubuhay sa ekonomiya ng ating bansa.
Ito ang madadaming pahayag ni House Assistant Minority Leader Arlene Brosas ng Gabriel's Women’s party-list na malungkot na ginunita ang Labor Day dahil mistulang walang plano si Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr., na sertipikahan bilang urgent bill ang ₱200 accross-the-board wage increase na ipinasa ng Mababang Kapulungan.
“Hindi sapat ang barya-baryang umento sa sahod o libreng sakay sa MRT at LRT. What our workers need is genuine economic relief through significant wage adjustments," mariing pinunto ni Brosas.
Kailangan-na-kailangan umano ng mga mangagawa sa buong bansa ang dagdag sa kanilang sahod dahil sa patuloy na pagtaas na presyo ng mga bilihin na hindi naman maawat ng administrasyong Marcos Jr.
Bago nag-adjourn ang Kongreso nitong nakaraang Pebrero 5, 2025, inaprubahan ng Kamara de Representante ang ₱200 legislative wage increase sa ikalawang pagbasa subalit posibleng hindi ito maipasa pagbalik trabaho ng Kongreso sa Hunyo 2, 2025 hangga’t hindi ito sinesertipikahan ni Pangulong Marcos Jr. bilang urgent bill.
"Habang nagdiriwang tayo ng Labor Day, ang mga mahahalagang panukalang batas para sa sahod ay nakabinbin lamang sa Kongreso. Pinaaasa lang ang mga manggagawa na itataas ang sahod pero hindi naman ito umuusad," ayon naman kay dating Kabataan party-list congresswoman Sarah Jane Elago.
Maging ang ibang mambabatas tulad nina House Deputy Speaker Raymond Democrito Mendoza ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), Kabayan party-list solon Ron Salo at iba pang mambabatas ang umapila din sa Pangulong Marcos Jr. na maawa na ito sa mga manggagawang sadlak na sa matinding kahirapan.
Tanging ang punong ehekutibo na lamang ang makapagbinigay daan upang magkaroon ng kaunting ginhawa ang mga manggagawa sa gitna ng patuloy na pagdami ng mga nagugutom at naghihirap sa bansa sanhi ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, partikular na ang pagkain.
“We’re taking steps in the right direction, but we should not lose sight of the bigger goal—a wage policy that truly works for the Filipino worker,” punto ni Salo.