

LATEST NEWS
Mga DQ petition bumaha sa Comelec
%20(15).jpeg)
5/8/25, 9:07 AM
Ni Tracy Cabrera
INTRAMUROS, Maynila — Apat na araw sa halalan at tila dumagsa na parang baha ang mga petisyon ng diskuwalipikasyon na hinain sa Commission on Elections (Comelec)—sa iba't ibang kadahilanan subalit mas marami dulot ng maraming reklamo ng 'vote buying' at gayun din ng pagbigkas ng malalaswang pananalita at diskriminasyon sa kababaihan at sektor ng lipunan.
Ngayong nagkalakas ng loob ang mga botante para ireklamo ang mga matitigas ang ulong kandidato na kahit may babala na mula kay Comelec chairperson George Erwin Garcia ay patuloy na nilalabag ang mga tinakdang alituntunin sa wastong pangangampanya.
Latest ngang nagsampa ng diskuwalipikasyon ay ang dating aktres at ngayo'y Ormoc mayor Lucy Torres-Gomez laban kay mayoral aspirant Kerwin Espinosa ng Albuera, Leyte sanhi ng sinasabing paglabag ng huli sa Omnibus Election Code.
Nag-ugat ang reklamo ng alkalde sa paghahamong makipagbarilan ni Espinosa sa Facebook sa mister ni Torres-Gomez na si dating aktor at incumbent Leyte District IV representative Richard Gomez.
Ginawa umano ang paghahamon ng self-confessed drug lord na si Espinosa sa harapan ng pulisya at militar na maaariaw na maging referee kung sakaling 'kumasa' ang mambabatas sa kanyang hamon.
"Ano na ba ang nangyayari sa ating bansa na mukhang umiiral ang 'kultura ng karahasan'?" tanong ng ilang nakabalita sa pangyayari.
"Tiyak na alam ng lahat ang mga balita ng 'road rage', mga awtoridad na nagtatapang-tapangan para I-bully ang mga mamamayang mahihirap at marami pang iba," dugtong ng mga ito.
Masamang kalagayan umano ito dahil sa halip na umasenso ay tila ba paatras ang takbo ng ating bayan.
"Natatandaan ko pa noong mga bata pa tayo na pinupuri ang pagiging magaling, pagsasabi ng totoo at katapatan sa pakikipagrelasyon. Subalit ngayon ay kabaligtaran na ito dahil ang kinatutuwaan ngayon ay ang mga taong mapagmura, basagulero, abusado at walang loyalidad kundi sa sarili at salapi," parunggit ng isang netizen.