NEWS
Meta at YouTube pinananagot ng $6-M sa pinsalang naidudulot sa mga kabataan

3/26/26, 7:15 AM
LOS ANGELES, Calirfornia - Pinagbabayad ng $6-milyon ng isang Los Angeles jury ang Meta at You Tube matapos na mapatunayan na lumilikha ang mga ito ng pag-uugaling nakakapinsala sa mga kabataan.
Landmark decision umano ang ibinaba ng nasabing jury at inaasahang maging sanhi ito ng isang legal precedent para sa mga katulad na kaso laban sa iba pang mga social media companies.
Sinuportahan ng jury ang alegasyon ng isang babaeng kinilala lamang bilang si “Kaley” na ang paggamit ng YouTube at Instagram simula sa murang edad ay nakaka-addict. Ang paggamit niya ng mga nasabing platforms ay naging sanhi rin ng kanyang problema sa pag-iisip katulad ng depresyon, body dysmorphia at suicidal thoughts.
Sa naging desisyon ng mga naghusgang panel, pinagbabayad ang mga higanteng social media companies ng $3 milyon bilang punitive damages at $3 milyon compensatory damages para sa nagpasimuno ng kaso na si Kaley , kilala rin bilang si “KGM”.
Naging pabaya ang Meta at Youtube sa kanilang pag-design at operasyon ng kani-kanilang platform at ito ang nagresulta sa pinsala sa nagdemanda.
Ayon sa mga jurors, batid ng dinemanda na mayroon ngamasamang epekto ang kanilang social media platforms sa mga gumagamit ngunit hindi sila gumawa ng akmang pagkilos upang balaan ang users.
May malisya, pang-aapi at panlalansi ginawa ang Meta at YouTube kung kaya’t dapat silang magbayad ng $2.1 milyon para sa Meta at $900,000 parasa YouTube.
Humarap sa pagdinig sa korte sina Meta CEO Mark Zuckerberg at Instagram chief Adam Mosseri upang depensahan ang kanilang kumpanya at produkto ngunit hindi kumbinsido ang jurors sa kanilang argumento.
Napag-alaman na hindi nagkakaisa ang mga jurors ngunit higit na nakararami ang bumotong dapat panagutin ang parehong kumpanya.
Sa kanyang testimonya sa korte sinabi ni Kaley, 20 anyos, na inuubos niya ang buong araw sa pagbubukas ng social media at nakararamdaman siya ng kakaibang emosyon sanhi ng mga notifications at reaction ng mga katulad niyang users.
“For years, social media companies have profited from targeting children while concealing the addictive and dangerous design feature” diin ng abogado ni Kaley na si Mark Lanier.
