

LATEST NEWS
Malakas na oposisyon sa Kongreso kinatigan ng NCR seniors; Kiko, Bam at Heidi susuportahan

5/3/25, 8:10 AM
Ni Ralph Cedric Rosario
Kinilala ng mga lider ng senior citizens associations sa Metro Manila ang pangangailangan ng malakas na oposisyon sa Senado at sa Kamara upang maging patas at higit na makabuluhan ang mga batas at polisiyang aaprubahan ng mga ito.
Tumugon ng malakas na pagsuporta ang may 200 SCA presidents sa pahayag ni dating Quezon City Councilor Jorge Banal na lubhang mahalaga sa isang demokrasya ang malaman ang tinig ng oposisyon.
Ayon kay Banal, pangulo ng Federation of Senior Citizens Associations of the Philippines-NCR, sina dating Senador Francis “Kiko” Pangilinan, Bam Aquino at dating Commission on Audit chairperson Heidi Mendoza ay tatlo lamang sa mga lider oposisyon na karapat-dapat sa tiwala ng mga nakatatandang Filipino.
Nagtipon sa QC ang mga lider ng iba’t-ibang SCA’s upang makipag-diyalogo kay United Senior Citizens Partylist Rep. Mila Aquino-Magsaysay ukol sa kanyang legislative agenda para sa darating na 20th Congress.
Sa kanyang talumpati, pinuri ni Banal si Aquino-Magsaysay dahil sa pangunguna niya sa pagpasa ng panukalang Universal Social Pension upang mabigyan ng buwanang tulong pinansyal ang lahat ng senior citizens sa bansa.
“Bagamat naging matagumpay si Congresswoman Magsaysay sa Mababang Kapulungan, hindi pa tayo pinapalad sa Senado kung saan nakabinbin kasalukuyan ang universal social pension bill,” ayon sa FSCAP-NCR president.
Ngunit nilinaw ni Magsaysay na mayroon pang pag-asang maipasa ang panukala sapagkat may nalalabi pang dalawang linggo sesyon ang Kongreso at dito maaaring aksyunan na ni Sen. Imee Marcos ang bill na ipinasa ng mga kongresista.
Ayon kay Banal nagpahayag na ng matibay na suporta si Pangilinan upang ipanukalang muli ang bill sa susunod na Kongreso sakaling hindi ito ipasa sa kasalukuyang 19th Congress.
“Bukod sa pangakong tulong ni Pangilinan, sina Bam Aquino at Heidi Mendoza ay tinitiyak kong susuporta rin sa universal social pension measure,” paliwanag ng dating konsehal.
“Ngunit sing-halaga rin ng pagpasa ng universal social pension program ang pagkakaroon natin ng malakas na boses ng tunay na oposisyon sa Kongreso. Sa pamamagitan nito, higit pa nating matitiyak na iiral ang demokrasya sa bansa at transparency sa pamamahale,” sabi ni Banal.