NEWS
Gatchalian nag-aalangang alisin ang VAT sa mga produkto ng petrolyo
.jpeg)
Si Senador 'Win' Gatchalian. (Larawan mula sa Philippine News Agency)
3/7/26, 3:12 AM
Ni Tracy Cabrera
SENADO, Lungsod ng Pasay — Hindi lubusan pang madesisyunan ni Senate Finance Committee chairman Sherwin 'Win' Gatchalian sa panukalang alisin ang Value Added Tax (VAT) sa mga produktong petrolyo.
Sa panayam, ipinaliwanag ng beteranong senador na mas mahirap i-monitor ang VAT dahil mayroon pang tinatawag na input at output VAT na kailangan pang kuwentahin upang matiyak na maayos ang sistema kung aalisin nga ito.
Sinabi pa nito na taliwas ang panukala sa excise tax dahil kung ano lamang ang binili mong gasolina ay iyon lamang ang mababawasan.
Iginiit pa ni Gatchalian na ang mga ganitong hakbangin ay huling opsyon lang na dapat ng pamahalaan at mas dapat gawing prayoridad ng administrasyong Marcos Jr. ang pamamahagi ng Pantawid Pasada Program (PPP) sa mga benepisaryo partikular na sa sektor ng pampublikong transportasyon.
Ikinatuwiran niya na ang pangambang kung mababawasan pa ang koleksyon ng gobyerno sa VAT at excise tax ay posibleng lumobo pa ang budget deficit na kinalaunan ay magreresulta sa dagdag na pangungutang ng ating bansa na sa ngayo'y nasa ₱18.13 trilyon.
Ipinaalala ng mambabatas na masyado nang malaki ang utang ng bansa, hindi katulad noong pinagdaanan noong panahon ng pandemya na mababa pa ang utang natin kaya’t malakas ang loob sa pag-utang.
