

LATEST NEWS
CIDG, SAF pinasok ang Davao City

5/1/25, 8:34 AM
Ni Tracy Cabrera
DAVAO CITY, Davao — Isiniwalat ng anak ni dating pangulong Rodrigo Duterte na si Davao City District I representative Paolo 'Pulong' Duterte na nagpadala ng malaking puwersa ang Philippine National Police (PNP) sa kanilang lungsod na naging dahilan para bantayan ng kanilang mga supporter ang kanilang bahay.
“As of today, we have monitored the arrival of 30 CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) ang 90 SAF (Special Action Force) personnel from Luzon,” hinayag ng kongresista na ngayon ay nasa Netherlands, nakung saan nakakulong ang kanyang ama sa Schevenigen Prison sa The Hague.
Walang ibinigay na impormasyon ang mambabatas dahil wala rin siyang alam kung ano ang misyon ng nasabing puwersa ng PNP sa Davao City at wala pang paliwanag dito ang pamunuan ng pambansang pulisya habang isinusulat ito.
Subalit kamakalawa, isiniwalat ng kapatid ng kongresista na si Vice President 'Inday' Sara Duterte-Carpio na nakatanggap ito ng impormasyon na posibleng maglalabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban sa kanya at kasama sina dating PNP chief at reelectionist senator Ronald 'Bato' Dela Rosa, maging si dating PNP chief din General Oscar Albayalde at iba pang opisyal ng pambansang pulisya.
“We strongly condemn the recent actions of PNP-CIDG that have clearly crossed the line into harassment against my family. It is disheartening to see that those who are sworn to uphold the law are being blinded-not by justice, but by money,” ayon kay Rep. Duterte.
Ang CIDG, sa pamumuno ni Major Gen. Nicanor Torres, ang siyang nanguna sa pagdakip kay Kingdom of Jesus Christ (KoJC) founding pastor Apollo Quiboloy nitong nakaraang taon matapos itong isyuhan ng arrest warrant ng Pasig City Regional Trial Court dahil sa non-bailable case na human trafficking at iba pang kasong kriminal.
“The real criminals in our society are being ignored while some in the higher ranks have seemingly sold their integrity,” alegasyon ni Cong. Duterte.
Sinabi pa nito na idinodokumento nila ang mga kilos ng CIDG at SAF at maging ang pangalan ng mga sangkot sa bagong aksyong ito ng pambansang pulisya.
“When the time comes, you will answer-not to us-but to the very forces of justice you have turned your back on. You won’t be facing people with money, but peole who are ready to stand their ground,” mensahe pa ni Rep. Duterte. (30)