NEWS
11-anyos batang lalaki pinaslang ang ama dahil sa video game gadget

Photo from nypost.com
2/23/26, 8:43 AM
Harrisburg, PENNSYLVANIA -,Posibleng litisin bilang akusadong nasa hustong gulang ang 11-taong batang lalaki na inakusahang pumatay sa kanyang ama matapos kumpiskahin ng biktima ang Nintendo Switch ng bata.
Sa kauna-unahang pagkakataon humarap sa regular na korte si Clayton Dietz kasama ang kanyang abogado. Ang akusado ay may escort na mga pulis at nakaposas.
Nagpa-alamang inampon ng mag-asawang Douglas at Jillian Dietz ang salarin noong tatlong taon gulang pa lamang ito. Nangyari ang trahedya sa araw ng kanyang ika-11 kaarawan kung saan kinantahan pa siya ng mga magulang.
Nagpahayag ang kanyang abogado ng intensyong litisin ang kanyang kliyente sa isang “juvenile court”, sa halip ng regular na korte.
Ito ang unang pagkakataon na magpakita sa korte si Dietz na akusado sa pamamaril at pagpatay kay Douglas Dietz, 42, umaga ng Enero 13.
Noong gabi, kinumpiska ni Douglas ang Nintendo-Switch upang pilitin itong matulog na.
Sa pagnanasang makapaglaro pagdating ng umaga, hinanap ni Clayton ang susi sa kaha de yero ng kanyang ama kung saan nito inakalang nakatago ang video game console. Dito na niya nakita ang isang baril na ginamit nito upang paslangin si Douglas.
Bago ang pangyayari, nag-duet pa ang mag-asawang Douglas at Jilliian Dietz ng ‘happy birthday song’ para kay Clayton bago matulog ang pamilya.
Ayon kay Jillian, nagising siya sa alingawngaw ng putok ng baril.
“He’s dead. My dad’s dead,” sigaw ng bata nang salubungin siya ng ina.
Una nang tinanggihan ng korte ang piyansa upang makalaya ang akusado.
Dinala ang bata sa korte na nakaposas.
Napag-alaman na inampon ng mag-asawang Dietz si Clayton noong 2018 sa edad na tatlong taon.
