NEWS
'Hindi na ako mananahimik' — Zaldy C

Photo attachment: Screenshot_20260420_082606_com_facebook_katana_ImmersiveActivity_edit_13725412857418.jpg
Spliced photo ni former sectoral congressman 'Zaldy' Co mula sa kanyang latest video.
4/20/26, 8:00 AM
Ni Tracy Cabrera
PRAGUE, Czechia — Ngayong natunton na ang kinaroroonan niya ng mga awtoridad, nagsalita na si dating Ako Bicol representative Elizaldy 'Zaldy' Co upang idiin na 'willing' siyang mag-testify sa harap ng Senate Blue Ribbon Committee para isiwalat ang katotohanan ukol sa korapsyon sa gobyerno, partikular na sa mga maanomalyang infrastructure project sa bansa.
Naaresto umano sa Czech Republic ang sectoral congressman nitong nakaraang linggo at ngayo'y nasa kustodiya na ng mga Czech authority, gaya ng inilahad mismo ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. nitong nakaraang Huwebes ng gabi, Abril 16.
Nagtangka si Co na tumawid ng border papasok ng Germany subalit nasukol siya at pinabalik sa kanyang pinanggalingan dahil wala siyang dalang mga travel document at ang kanyang pasaporte ay pinakansela na sa utos ng Sandiganbayan.
Sa kabila ng kanyang detensyon sa Prague, nagpalabas ang dating mambabatas ng kanyang opisyal na pahayag sa isang maikling video footage na posted sa social media, na kung saan hinayag niya na sasabihin niya na ang lahat tungkol sa flood control scandal at 'willing' din siyang makulong basta kasama niya sa piitan ang tunay na mga mastermind sa likod ng korapsyon sa pamahalaan.
"Hindi na ako manahahimik," iginiit ni Co habang nagpasaring na dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa ang sangkot sa iskandalo.
"Handa akong isiwalat ang lahat ng aking nalalaman—ang buong katotohanan (ukol sa mga anomalya sa mga flood control project)," aniya.
"Ibubunyag ko ang lahat ng aking nalalaman sa sistematikong pag-abuso sa pondo ng bayan at kung sinu-sino ang mga nasa likod nito, kabilang ang dalawang matataas na opisyal ng gobyerno na umano'y pasimuno ng katiwalian," kanyang pinunto.
Sa huli, tinukoy ni Co: "Kapag ako humarap sa Blue Ribbon Committee, ilalatag ko ang lahat, wala akong itatago. Kung ang kapalit nito ay ang aking pagkakakulong, handa akong panagutan basta't makasama ko sa pananagutan ang tunay na mga mastermind."
Samantala, sa kabila ng pagpili ng deportation o extradition, kumbinsido si Department of Interior and Local Government (DILG) secretary Juanito Victor 'Jonvic' Remulla Jr. na mapapabalik ang puganteng si Co sa loob ng isa o hanggang tatlong linggo.
Sa isinagawang press briefing, sinabi ng kalihim sa media na ang dating sectoral representative ay maaaring mapabalik sa bansa “maybe as little as one week, but as long as three weeks, depend(ing) on the DFA (Department of Foreign Affairs).”
Sinabi ito ng dating gobernador ng Cavite na may parunggit sa mga opisyal ng DFA na "the elite here, not me, I’m just in coordination."
Inamin ni Remulla na maaaring magkaroon ng komplikasyon sa pagpapauwi kay Co dahil nakabatay ang kanyang deportation order sa kanseladong pasaporte. Idinagdag din niya na sa kabila ng mga kahilingang arestuhin na siya, mukhang hindi nag-aalala rito ang dating kongresista.
Lumitaw na nagpapalipat-lipat ng bansa si Co dahil hindi siya maaaring manatili ng matagal sa Portugal, na kung saan napagkalooban siya ng isang 'gold' passport at doon unang nagtago.
“His last sighting was in Italy three weeks ago. Now, he was caught in (the) Czech Republic,” ani Remulla habang hinayag na sa sandaling makabalik ng bansa si Co ay dadalhin siya sa Sandiganbayan para sa arraignment ng mga kasong isinampa laban sa kanya.
Nahaharap si Co sa mga reklamong multiple criminal charges, kabilang ang graft at malversation of public funds kaugnay ng PhP289.5-milyong flood control project sa Oriental Mindoro. Mula sa court proceeding, dadalhin siya Kampo Crame sa Lungsod Quezon para doon idetine.
Sa kabila ng paniniwalang mapapabalik si Co sa Pilipinas upang harapin ang mga kaso laban sa kanya, sinasabi naman ngayon ng mga legal expert na maaaring mabalam ito kapag humiling ng political asylum ang dating mambabatas.
Ayon sa mga abogadong sina Atty. Trixie Cruz-Angeles at Atty. Barry Gutierrez, maaaring humantong ang mga isyu sa dokumentasyon ng deportasyon ni Co, subalit malabo ang extradition dahil walang kasunduan dito sa pagitan ng ating bansa at Czechia habang naka-pending pa ang status ng red notice mula sa International Police Organization o Interpol.
Gayun man, sa ngayon sinasabi ng dalawa na maaaring maka-delay sa repatriation ni Co ang paghiling nito ng asylum, bagay na pinunto ni Lanao de Sur District I representative Ziaur-Rahman 'Zia' Alonto Adiong na maaaring tinangka ni Co para mahirapang mapabalik siya sa Pilipinas.
