NEWS
Tama si Sara? Marcos umaming balik-Pinas via charter flights mga stranded OFWs

Photo from www.gmanetwork.com
3/11/26, 9:30 AM
Ni Ralph Cedric Edralin
Matapos batikusin si Bise Presidente Sara Duterte sa kanyang panukalang magpadala ng eroplano upang sunduin ang mga kababayang naiipit sa Middle East war, umamin rin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang gagawing repatriation ay sa pamamagitan ng charter flights.
“We have made many arrangements. We are arranging charter flights kasi medyo lumuwag na ang sitwasyon,” paliwanag ni Marcos sa isang pulong balitaan sa New York City nitong Miyerkules (Marso 11).
Nagdulot ng kontrobersiya at patutsadahan ang Malacañang at kampo ni Duterte matapos na sabihin ng bise presidente na “very easy” ang problema ng mga stranded na overseas Filipino workers sa mga magulong lugar sa Gitnang Silangan.
Iminungkahi ni Duterte na magpadala na lamang ng eroplano upang sunduin ang mga Filipino.
Binatikos ng tanggapan ng pangulo at nang Department of Migrant Workers ang suhestiyon at sinabing lumalabas na walang alam si Duterte sa mga nangyayari sa Gult countries.
Ayon sa kanila isinara na ang airspace sa mga bansang naglalabanan dahil sa peligro ng missile strikes.
Posible umano na ang mga commercial airlines ay tamaan ng bomba ng hindi sadya.
Bagamat tuloy-tuloy pa rin ang palitan ng missiles ng Iran laban sa US at Israel, matutuloy ang chartered flights upang sunduin ang mga OFW.
Ayon kay Marcos ang unang chartered flight ay lilipad mula Fujairah, UAE sa darating na Marso 13.
Ang isa pang flight ay manggaling sa Riyadh, Saudi Arabia. Ang mga Filipino mula Saudi, Kuwait at Bahrain ang sasakay dito.
Gumagawa na rin ng land travel coordination ang pamahalaan na maaaring ipatupad sa Oman, Saudi Arabia at Egypt.
