NEWS
LTO nagbabala laban sa road rage drivers; dumarami footages ng viral away

Photo from tv patrol facebook
3/14/26, 1:00 PM
Nagbabala ang Land Transportation Office na hindi nito pahihintulutan lumala ang patuloy na kawalan ng disiplina ng mga motorista na sangkot sa road rage incidents.
Nag-isyu kahapon ang LTO ng show cause order (SCO) sa mga nagpisikalang driver ng isang kotse at dalawang babaeng riders na nakuhanan sa CCTV footage na nagumbagan sa may Sta. Lucia, Pasig.
Ang tatlo ay pinatawan din ng 90-day preventive suspension para sa kani-kanilang lisensya.
Ganitong aksyon din ang isinagawa ng ahensya para sa isang rider na lumusob sa isang driver ng pickup na naging sanhi ng pagkakabugbog sa naunang nanakit.
Nangyari ang insidente sa La Loma, Quezon City at naging viral sa social media.
Bagamat siya ang na-agrabyado sa nangyaring rambolan, ang rider lamang ang pinatawan ng 90-day preventive suspension ng kanyang lisensya.
Inutusan din ng LTO na magsumite ng written explanation ang rider kung bakit hindi dapat permanenteng bawiin na ang kanyang lisensya dahil sa kanyang pagiging agresibo sa nasabing insidente.
Ang rider ay nahaharap sa mga kasong administratibo na reckless driving, obstruction of traffic, at improper person to operate a motor vehicle.
Sa nasabing insidente, nakita sa iba’t-ibang bersyon ng video na nakikipagtalo ang rider sa nagmamaneho ng isang Ford Ranger pickup.
Nilusob ng rider ang nagmamaneho ng pickup at ito ay kanyang napalabas sa sasakyan sabay pinagsusuntok.
Maya-maya ay nakita ang isang lalaking lulan ng pickup na tumulong sa driver. Sa lakas ng mga suntok nito, nataranta ang rider at nagtatakbo.
Halatang bugbog-sarado ang rider nang pagtulungan na ito ng dalawang naka-away.
