NEWS
Yayamaning luxury vehicles ng mga Discaya isusubasta na

Photo from ircalbayog
2/10/26, 5:32 AM
Nakatakda nang ipasubasta ng Bureau of Customs ang walo sa mga kinumpiskang marangyang sasakyan na dati nang ipinagyabang sa isang video ng kontrobersyal na mag-asawang contractor na sina Pacifico “Curlee” at Cezarah “Sarah” Discaya.
Sampu lahat ang ipagbibiling luxury vehicle sa auction na gaganapin sa Miyerkules (Pebrero 11) sa pamamahala ng BoC.
Sinabi ni Asst. Commissioner at concurrent BOC spokesman Philip Vincent Maronilla na ito na ang ikatlong beses na pagsubasta sa mga mamahaling kotse ng mga Discaya na kasalukuyang nahaharap sa patong-patong na reklamong konektado sa “ghost” flood control projects ng Department of Public Works and Highways.
Kasama sa mga ibebenta ay ang 2023 model Rolls Royce Cullinan na kulay itim at 2022 Bentley Bentayga na kulay asul. Maraming car enthusiasts ang nagsasabing pambihirang makita sa mga kalye sa bansa ang mga ganitong mamahaling mga sasakyan.
Hindi bababa sa PhP 29.02 milyon ang tatanggaping bayad sa Rolls Royce at PhP 11.1 milyon naman sa Bentley.
Ayon kay Maronilla ang papeles ng mga imported luxury vehicles ng mag-asawang Discaya ay nagsasabing nasa PhP 160 milyon ang floor price ng Bugatti Chiron 2019 at PhP 149 milyon naman ang Bugatti Chiron 2017.
Ang iba pang sasakyang ipasusubasta ay ang mga sumusunod: 2024 Lincoln Navigator, PhP 8.6 milyon;; 2021 Cadillac Escalade, PhP 7.7 milyon; 2022 Maserati Levante Modena, PhP 4.09 milyon; 2022 GMC Yukon XL Denali, PhP 6.75 milyon at 2022 Cadillac Escalade PhP 8.27 milyon
Ayon sa regulasyon ng subasta, walang empleyado o opisyal ng BOC at mga importers o consignee ang maaaring sumali sa bidding.
Ang auction ay gaganapin alas-10 ng umaga sRoom, Ground Floor, Office of the Commissioner Building, Port Area, Manila.
