NEWS
WFH setup sinusulong sa private sector
%20(18).jpeg)
Photo attachment: images (1).jpeg
4/6/26, 5:00 AM
Ni Tracy Cabrera
MALAKANYAN, Maynila — Iminumungkahi ng pamahalaan sa pribadong sektor ang work-from-home setup upang makatulong mabawasan ang fuel consumption at maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) undersecretary at Palace press officer Clarissa 'Claire' Castro-Seechung, isinusulong man ang nasabing sistema sa mga pribadong establisimento, nasa management pa rin ng mga ito ang desisyon kung ipatutupad ang ganitong setup.
“Kung iyan ang magiging panukala ng mga private business companies, makakatulong na malaki ‘yan. Pero siyempre hindi naman didiktahan ng Pangulo ang mga pribadong kompanya,” pinunto ni Castro.
Hinayag niya na malaya ang mga kompanya na magdesisyon sa kani-kanilang work arrangement na makabubuti sa kanilang operasyon at manggagawa.
Samantala, sinabi din ng kalihim na pinag-aaralan pa ng pamahalaan ang panukalang wage subsidy ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa mahigit limang milyong mga minimum wage earner sa bansa.
Sa opisyal na pahayag, hiniling ng TUCP sa administrasyong Marcos Jr. na magbigay ng ₱5,000 monthly wage subsidy para sa mga manggagawa ng nasa minimum o mas mababa pa ang sinusuweldo kada buwan.
“If there is a fuel subsidy for the transportation sector, there should also be a wage subsidy for our more than five million minimum wage earners,” ikinatuwiran ni TUCP president Atty. Raymond Democrito Mendoza.
Tumugon naman dito si Castro na “no option is off the table,” ngunit kailangang muna umanong balansehin ang mga prayoridad at unahin ng pamahalaan ang mga sektor na pinakaapektado ng pagsipa na presyo ng mga produktong petrolyo.
“Handa (po) ang (ating) gobyerno na tumulong sa loob ng limitasyon ng kasalukuyang national budget,” kanyang idiniin.
