NEWS
Warning ng FDA sa mga botika: Magbigay ng senior discount para sa OTC medicines

3/1/24, 5:15 AM
Hindi na kailangan ng mga senior citizens ang reseta ng doktor upang makakuha ng 20% diskwento kapag bumibili ng over-the-counter medicines, kasama ang mga bitamina at food supplements, ayon sa Food and Drug Administration.
Muli itong nilinaw ng FDA sa pagisyu ni FDA Director General Dr. Samuel Zacate ng FDA Advisory No. 2024-0429 noong Miyerkules (Pebrero 29).
Sa nasabing FDA advisory, pinagsabihan ng ahensya ang mga botika, parmasiya ng ospital at mga klinika at iba pang healthcare professionals na dapat silang tumalima sa Administrative Order No. 2012-0007 -A na ipinalabas noong 2012 ng Department of Health.
Sa AO No. 2012-0007-A, nag-utos ang DOH na hindi na kinakailangan magpakita ng reseta ang mga Pilipinong 60 taon at pataas upang makakuha ng 20 porsiyentong diskwento sa mga bibilhing OTC medicines.
Sa loob ng nasabing administrative order, nilinaw na ang medicines o gamot na sakop ng direktiba ay mga “prescription and non-prescription/over-the-counter frugs, both generic and branded, including vitamins and mineral supplements medically prescribed by the attending physician and approved which are intended for use in the diagnosis, cure, mitigation, treatment or prevention of human disease or sickness.”
Ngunit sa Section VI-6.1b ng AO No. 2012-0007, sinabi ng DOH na hindi na kailangan magpakita ng reseta na galing sa doktor kung ang bibilhin ay mga OTC.
Sa advisory, sinabi ng FDA na upang makadiskwento ng naaayon sa Republic Act 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010, ang senior citizen o kanilang kinatawan ay dapat magpakita ng identification document na nagpapatunay na sila ay senior citizen na.
Bukod sa senior citizen identification card na galing sa mayor o Office for Senior Citizens Affairs o kapitan ng barangay, maaari rin gamitin ang pasaporte o anumang dokumentong pagkakakilanlan na inisyu ng pamahalaan tulad ng driver’s license, voter’s ID at iba pang nagpapakita ng edad o kaarawan ng nakatatandang Pilipino.
Dapat din magdala ng purchase booklets ang nais makakuha ng diskwento kung saan ililista ang mga gamot na OTC.
“All drug outlets and hospital pharmacies are hereby required to grant 20% discount on medicines purchased by Senior Citizens upon presentation of the above requirements. Sanctions and penalties shall be imposed in accordance with Section 7 of RA No. 9994, amending Section 10 of RA No. 9257 in relation with Section 6 thereof,” utos ng FDA.
Una rito, sinabi ni FDA spokesperson Pamela Angeline Sevilla na nag-isyu ng klaripikasyon ang ahensya ukol sa DOH AO 2012-0007 dahil sa maraming reklamong natatanggap nila laban sa mga botikang lumalabag sa nasabing direktiba at RA 9994.
Nagbabala ang FDA sa mga establisimento na lumalabag sa batas ng pagdiskwento na nahaharap sila sa pagkakakulong mula dalawa hanggang anim na taon at multa ng PHP50,k000 hanggang PHP100,000.
