NEWS
Walang kupas na JPE tatanggap ng PHP200K sa ika-100 kaarawan sa Peb. 14

2/13/24, 6:00 AM
Aabot sa PHP200,000 ang matatanggap ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile bilang cash gift sa pagdiriwang niya ng ika-100 taon kaarawan sa Miyerkules (Pebrero 14).
Bagamat isa nang sentenaryo, ang dating pangulo ng Senado ay patuloy na nagpapakita ng talas ng pag-iisip at mataas na antas ng karunungan at matining na memorya tungkol sa nakaraang 100 taon ng kanyang buhay.
Ang tanging ebidensya ng kanyang edad ay ang mahina na niyang pandinig at mabagal na pagkilos.
Subalit kung pag-uusapan ang pulitika, seguridad ng bansa, Konstitusyon, foreign relations at sa paborito niyang topic na Cagayan, game siya kahit pa-morningan pa.
Hindi man siya inaasahang magpakita sa Palasyo ng palagian upang magtrabaho, paminsan-minsan ay dinadayo niya ang Malacañang mula sa kanyang bahay sa Forbes Park sa Makati hanggang sa San Miguel, Manila.
Masaya niyang tinatanggap sa tahanan ang mga bisita lalo pa at mga kababayan mula sa Cagayan province kung saan siya ipinanganak.
Ayon sa kanyang kapatid na si dating Aparri Vice Mayor Rowena Ponce Enrile-Tolentino, mababakas ang saya sa kanyang mga mukha kapag nagkukuwento ng mga karanasan sa Cagayan noong kanyang kabataan.
“Napakatalas ng kanyang memorya na kahit na kaliit-liitang detalye ng mga karanasan at pakikipag-kaibigan ay naikukuwento pa niya na parang kahapon lang nangyari,” sinabi ni Tolentino.
Sa kanyang kaarawan, si JPE ay inaasahang tatanggap mula sa lokal na pamahalaan ng Makati City ang tsekeng PHP100,000 bilang regalo at pagpapakita ng kasayahan at paggalang dahil sa inabot niyang edad.
Bukod dito, ang national government ay magbibigay din ng PHP100,000 alinsunod sa probisyon ng Centenarians Act. Tatanggap din si Enrile ng sulat ng pagbati mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ngunit sa katulad niyang mataas ang estado sa buhay at marangya, marami ang nagtatanong kung ano ang gagawin niya sa halagang kanyang matatanggap.
Madalas na tinutukso ng mga netizens dahil sa haba ng kanyang buhay, kilala si JPE sa tibay ng kanyang pangangatawan. Binibigyan ng mataas na pagkilala ang kanyang mga payo.
Naranasan na ni Enrile ang maraming mahahalagang pagbabago sa kasaysayan ng PIlipinas.
Binatilyo na siya nang sakupin ng mga Hapones ang PIlipinas noong World War II. Nasaksihan din ni Enrile ang pagpapalit ng 16 pangulo ng bansa mula kay Pangulong Manuel L. Quezon noong 1935 hanggang kay Marcos Jr.
Malaki ang ginampanan niyang papel sa mga pagbabago sa pulitika ng bansa. Nagsilbi siya sa maraming posisyon bilang Kalihim ng Department of National Defense, Senate President, kinatawan ng Cagayan at sa kasalukuyang katungkulan sa Marcos administration.
Hinahanagan pa rin si JPE dahil sa angkin niyang husay sa pag-interpret ng mga batas ng bansa. Hinihigitan pa niya sa debate ang mahuhusay na mambabatas at mga batikang abogado.
Sa kanyang pagdiriwang ng kaarawan bukas, makakasama ni Enrile ang asawang si Cristina Castañer-Enrile, mga anak na sina Jack at Katrina at mga apo.
