NEWS
VP Sara inisnab ang mga kongresista: Ayaw nang muling magisa?

Photo from newsinfo.inquirer.net
9/10/24, 4:15 AM
“No show” sa budget hearing ng Kamara ngayong Martes (Setyembre 10) sina Bise Presidente Sara Duterte at ang lahat ng opisyales ng kanyang tanggapan, kaya bigo ang mga kongresista na gisahing muli ang ikalawang pinakamataas na lider ng bansa.
Sa halip na magpakita upang i-depensa ang panukalang P2.037 billioin budget ng Office of the Vice President para sa taong 2025, lumiham na lamang si Duterte kay House Speaker Martin Romualdez.
“We defer entirely to the discretion and judgment of the Committee regarding our budget proposal for the upcoming year,” pahayag ni Duterte sa liham na ipinadala bago magsimula ang pagdinig ng Committee on Appropriations sa OVP budget bandang alas 10 am ng Martes.
Paliwanag ni Duterte: “The (OVP) has submitted all necessary documentation to the House of Representatives - Committee on Appropriations, including a detailed presentation on the proposed budget for fiscal year 2025.”
“I have articulated my position on the issues outlined in my opening statement during the previous hearing on 27 August 2024,” ani Duterte.
Habang isinusulat ito, nagkokonsultahan pa ang mga mambabatas kung ano ang mga hakbang na gagawin dahil pag-isnab ng bise presidente sa kanila.
Matatandaang ipinagpaliban ng Komite na pinangungunahan ni Marikina City Rep. Stella Quimbo ang OVP budget deliberation dahil sa hindi pagsagot ni Duterte sa mga katanungan ng mga kongresista tungkol sa nasabing budget.
“I would like to forego the opportunity to defend the budget in a question-and-answer format. I will leave it up to the House to decide on the budget submitted,” ang tila sirang-plakang sagot ng bise presidente sa mga katangungan ng panel members.
Pilit na inusisa ng mga mambabatas si Duterte na magpaliwanag tungkol sa P125 million confidential and intelligence fund (CIF) na sinimot ng OVP sa loob lamang ng 11 araw noong 2022.
Pinagpaliwanag din si Duterte tungkol sa umano’y adverse audit report ng Commission on Audit patungkol sa CIF expenditures.
Dahil sa inasal ni Duterte sa hearing, binansagan siya ng mga netizens na ‘bratinella” o spoiled brat.
Sa kanyang reaksyon sa bansag, itinanggi ng dating Davao City mayor na siya ay spoiled brat.
`”Testigo ko ang buong bayan na hindi ako isang spoiled brat,” diin niya sa paratang.
