NEWS
VP Sara: 2025, 2028 elections mga motibo sa pagdala sa ama sa The Hague

Credit to the owner
4/28/25, 10:03 AM
Ni Samantha Faith Flores
Hindi natitinag ang paniniwala ni Vice President Sara Duterte na ang mga halalan ng 2025 at 2028 ang tunay na dahilan kung bakit dinala at ipinaaresto ang kanyang ama, si dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa The Hague sa pamamaraan na umanoy ilegal.
Ayon sa nakababatang Duterte, wala nang ibang dahilan kung bakit ipinilit ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipa-turnover sa International Criminal Court ang kanyang ama.
“Wala namang ibang rason na they will,.. kidnap o pagkuha o pagdukot sa ating dating Pangulong Rodrigo Duterte dito sa bansa natin at dalhin nila doon sa ibang bansa upang maipakulong sa mga dayuhan kundi iyan lamang,” diin ni VP Sara.
Sa media interview sa Carcar, Cebu, sinabi ni Duterte na malakas ang oposisyon lalo na sa 2028 presidential elections.
Dati pa naglabas ng paniniwala ang bise presidente na ilalaban ng Marcos administration ang pinsan ng pangulo na si House Speaker Martin Romualdez sa 2028 president elections.
Inaasahan ng political observers na maglalaban si Romualdez at VP Duterte sa 2028.
Mayroon ding 12 kandidato para senador ang Marcos administration na tinatantiya ng oposisyon na susuporta sa impeachment case laban kay VP Sara.
Sakaling magtagumpay ang House of Representatives na mapatanggal ang pangalawang pangulo sa pamamagitan ng impeachment, diskwalipikado na siya pagtakbo.
Patuloy na ipinaglalaban ng mga Duterte ang pagbabalik ng kanilang ama sa Pilipinas. Nagsampa sila ng petisyon sa Supreme Court upang ipadeklarang ilegal ang pagkaka-aresto sa dating pangulo at ang paglipat ng kustodiya niya sa ICC nang hindi idinadaan sa lokal na korte.
