NEWS
US nagpaabot ng $1.25-M tulong sa mga biktima ng kalamidad sa Mindanao

2/14/24, 3:10 AM
NI MJ Blancaflor
Nagpaabot ng $1.25 milyong emergency aid ang Estados Unidos sa mga biktima ng ilang nagdaang kalamidad sa Mindanao, ayon sa Palasyo.
Magpapadala rin ng dalawang C-130 mula sa Indo-Pacific Command (INDOPACOM) ang Amerika upang makatulong sa isinasagawang relief efforts ng pamahalaan.
Bumisita noong Martes, Pebrero 13, si US Ambassador to the Philippines MaryKay Loss Carlson sa Malakanyang kung saan tiniyak niya kay Pangulong Bongbong Marcos ang kahandaan ng Amerika na magpadala pa ng karagdagang tulong sa bansa.
"There’s so much that can be done more efficiently through the mechanism that exists... but sometimes you just need an extra push and it is also a good demonstration of how good the alliance can deliver," ani Carlson.
Nagpasalamat naman si Marcos sa tulong ng Amerika.
Sa nasabing meeting, binigyang-diiin din ng Pangulo ang kahalagahan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement sites pagdating sa disaster relief at response.
Hinikayat niya ang mga Amerikanong opisyal na gamitin nang buong husay ang mga pasilidad na iyon.
Noong nakaraang linggo, bumisita si Marcos sa Mindanao at nagpaabot ng P265 milyong halaga ng tulong-pinansyal sa mga residenteng naapektuhan ng pag-ulan dulot ng shear line at low-pressure area sa Davao.
Ayon sa Pangulo, ang mga imprastruktura ng bansa ay dapat na angkop sa mga pangangailangan ng kasalukuyang panahon.
Matatandaang nagdulot ng pagbaha at landslide sa Davao ang ilang araw na pag-ulan doon.
Tinatayang 68 katao ang nasawi sa landslide sa bayan ng Maco habang 51 pa ang nawawala.
