NEWS
TRENDING: Sino si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo
.jpg)
5/13/24, 3:20 AM
Usap-usapan ngayong linggo ang tunay na pagkatao ng ang alkalde ng Bamban, Tarlac na si Mayor Alice Guo na iniuugnay sa mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa lalawigan.
Inusisa ang pagkakasangkot niya sa POGO sa pagdinig ng Senado kamakailan, ngunit lalo lamang dumami ang mga katanungan sa kanyang pagkatao matapos mapag-alamang wala siyang school at hospital records hinggil sa kanyang kapanganakan.
Sino si Alice Guo?
Kinikilala si Guo bilang kauna-unahang babaeng alkalde ng Bamban, isang second class municipality sa pinakatimog na bahagi ng Tarlac.
Tinatayang may higit 45,000 botante ang lalawigan noong 2022 elections. Sa nasabing bilang, nakakuha siya ng 16,503 boto noong nakaraang eleksyon.
Sa nasabing pagdinig, sinabi ni Guo na ang kanyang ama ay half-Chinese at half-Pilipino. Gayunpaman, natuklasan sa mga rekord na ang nasyonalidad ng kanyang ama na nakasaad sa birth certificate nito ay Filipino, ngunit Chinese naman sa kanilang mga dokumento sa negosyo.
"At sa kakatanong nga natin kahapon, inamin ni Mayor Alice na 'Jian Zhong Guo' pala ang totoong pangalan ng kanyang ama, at yung Angelito Guo ay Filipino name lang daw," ani Senador Risa Hontiveros.
Walang hospital at school records
Itinanong din kay Guo ang tungkol sa kanyang hospital record, na hindi niya raw maibibigay dahil ipinanganak daw siya sa loob ng kanilang tahanan.
Hindi rin masagot ng alkalde kung saan ang lokasyon ng bahay na tinutukoy niya.
Inusisa rin ng mga senador kung bakit nairehistro lamang ang kanyang kapanganakan noong 2003, 17 taon matapos siyang ipanganak.
Wala ring maipakitang school recrods si Guo. Paliwanag niya, nag-homeschool siya noong elementary hanggang high school at hindi rin siya tumuntong sa kolehiyo.
Pero naghinala si Hontiveros kay Guo dahil hindi nito mabanggit ang kanyang homeschool provider.
"Sorry na lang, naging homeschool parent din ako kaya alam ko. Ang bawat estudyante at magulang na nag-ho-homeschool ay meron kaming homeschool provider. So, bakit hindi niya alam?" tanong ng senador.
Sa parehong pagdinig, sinabi rin niya na may negosyo ang kanilang pamilya sa pag-aalaga ng baboy, at idinagdag na lumaki siya sa isang bukid kasama ang kanyang ama.
Pero inamin siya sa pagdinig na nakauunawa siya ng Mandarin dahil umano sa pakikipagnegosyo sa ilang Chinese.
Chinese identity
Kaugnay nito, kinuwestiyon ni Hontiveros kung posibleng isang Chinese national dahil wala umanong kahit anong record sa bansa, at naging instrumento umano ito sa pagpasok na malaking POGO company sa Pilipinas.
"Totoo kaya na Chinese talaga si Mayor Alice Guo?" ani Hontiveros.
"Importante ‘yang itanong dahil si Mayor Alice, na walang record dito sa bansa, ang siyang naging instrumento para makapasok ang napakalaking industriya ng POGO sa Pilipinas, na ayon sa intel ay sangkot naman sa hacking at surveillance activities, lalo na sa mga government websites," saad pa niya.
Magpapatuloy naman umano ang imbestigasyon ng Senado hinggil sa identidad ni Guo at ang umano’y koneksyon niya sa China o POGO sa bansa.
'Pogo-politics'
Ayon naman kay Senator Sherwin Gatchalian, dapat lumitaw ang katotohanan lalo pa't may kakayahan na umano ang mga POGO na magpatakbo ng kandidato.
"Ang mga POGO marunong nang magpatakbo ng kandidato... Kung merong narcopolitics, meron nang POGO-politics ngayon," saad ng mambabatas.
Ilang residente raw ng Bamban ang nagsabi na bigla na lamang lumitaw si Guo noong 2022 elections.
Sa pagdinig, tinanong si Guo tungkol sa compound ng Baofu Corporation sa Anapul sa Bamban kung saan matatagpuan ang mga POGO, partikular na ang Hong Sheng Gaming Technology Incorporated at Zun Yuan Technology Incorporated na ni-raid noong Pebrero 2023 at Marso 2024, ayon sa pagkakasunod.
Sa isang hiwalay na panayam, ibinahagi ni Gatchalian na nang tanungin si Guo tungkol sa halaga ng mga puhunan at kita ng kanyang kumpanya, sinabi lamang ng alkalde na wala siyang kaalaman.
"’Yung nakakabahala pa doon, natuklasan namin na isa sa mga partners niya ay pugante, fugitive, may warrant of arrest sa China at nung inaaresto na dito sa Pilipinas, nakatakas," ibinahagi niya.
Simula noon, itinanggi ni Guo ang mga paratang.
"Hindi po ako operator, protector, or coddler po ng POGO," aniya. "Wala po akong kinalaman sa kanilang operation at sa kanilang gawain sa loob at labas po ng POGO."
Gayunpaman, inamin niyang dating incorporator siya ng Baofu Corporation at may-ari ng 50% ng shares ngunit binenta niya umano ito bago pumasok sa pulitika.
