NEWS
Taal Volcano bumuga ng 14,000 toneladang sulfur dioxide

2/20/24, 5:30 AM
Ni MJ Blancaflor
Kung balak niyong mamasyal sa Tagaytay ngayong linggo, makabubuting magdala ng N95 masks.
Bagaman wala pang volcanic smog o vog na namo-monitor sa bantog na tourist destination, pinapayuhan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang publiko na magbaon ng N95 masks kung pupunta sa lugar.
Ito ay matapos bumuga ang Taal Volcano ng 14,211 tons na sulfur dioxide o SO2.
Ito na ang pangalawang pinakamataas na sulfur dioxide emission ng bulkan ngayong taon.
Noong Enero 25 naitala ang pinakamaraming emission ng Taal na aabot sa 15,425 tons.
Hindi naman daw ito indikasyon na sasabog ang Taal, sabi ng Philvolcs.
Sa kabila nito, nakapag-ulat ng masangsang na amoy ang mga residente ng Bilibinwang and Banyaga sa Agoncillo, Batangas.
Sabi pa ng Philvolcs, maaaring maging banta ang sulfur dioxide emissions sa kalusugan kapag nagkaroon ng volcanic smog o vog na binubuo ng gas at maliit na particles at acid.
Nalilikha ito kapag ang sulfur dioxide at iba pang mga gas na ibinubuga ng isang bulkan ay humali sa oxygen, kahalumigmigan, at alikabok.
