top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

NEWS

Sosyalista nag-rally kontra sa mga 'political dynasty'

2/25/25, 1:31 PM

Ni Tracy Cabrera

INTRAMUROS, Maynila
Isang araw bago gunitain ang ika-39 anibersaryo ng EDSA People's Power Revolution, daan-daang mga sosyalistang manggagawa at maralitang tagalungsod ang nagmartsa sa harapan ng tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) upang tuligsain ang ilang mga senatorial candidate na sinasabing nauugnay sa mga political dynasty, korapsyon, krimen at pag-abuso ng kapangyarihan.

Inorganisa ng Kilusan ng Manggagawang Socialista Incorporated (KMSI), na kilala rin bilang Sosyalista, nagtapos ang demonstrasyon sa Isang 'declaration rally' na binansagang ‘Wag Iboto sa Senado’.

Hinayag ng mga raliyista ang mariing pagtutol sa tinutukoy nilang mga kandidatong korap sa pamamagitan ng pagsira at pagmarka ng malaking 'ekis (X)' sa mga larawan, poster at campaign tarpaulin ng mga aspiranteng senador at party-list representative at maging yaong tumatakbo sa lokal na posisyon.

Kabila sa sinasabing mga kandidato na hindi dapat iboto ay mga politikong inaakusahang sangkot sa land grabbing, iskandalo sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) at iba pang anomalya tulad ng kaso ng Pharmally Pharmaceutical Corporation, pagprotekta sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) at pagsasagawa ng mga extrajudicial killing (EJK).

Tinukoy ang mga ito na sanhi ng malawakang paghihirap ng sambayanan dahil sa kanilang kasakiman hindi lamang sa pera at materyal na yaman kundi sa kapangyarihan na pinagkaloob sa kanila ng mamamayan subalit kadalasa'y inaabuso nila upang maisulong ang kanilang pansariling interes.

Pinakita sa rally na nagsagawa na ang taongbayan sa tradisyonal na politiko (trapo) at mga oligarko na naghahari sa bayan, dangan nga lang ay may katanungan kung tumatalab ba ito upang mapatino ang mga lider at opisyal sa ating pamahalaan at maging sa pribadong sektor.

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page