NEWS
Shabu sadyang tinatambak ng Tsina sa 'Pinas — AFP
%20(4).jpeg)
6/26/25, 4:54 AM
Ni Tracy Cabrera
KAMPO AGUINALDO, Lungsod Quezon — Ilang mataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nagsasabing may posibilidad na hindi lang negosyo ng international drug cartel ang motibo sa pagpupuslit ng tone-toneladang shabu sa Pilipinas kundi sinasadya ito ng Tsina upang wasakin ang ating lipunan.
Sa pulong balitaan ng AFP sa general headquarters ng Philippine Air Force kamakailan, hinayag ni Navy spokesman on West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na hindi malayo na ginagawa ito ng Tsina para lasunin ang kaisipan ng ating mga kabataan.
“It’s not far fetch,” punto ni Adm. Trinidad.
Kung matatandaan, mismong si United States president Donald Trump ang nagbanta sa Beijing na itigil na ang pagpupuslit sa Amerika ng fentanyl at kung hindi ay magpapatupad sila ng trade embargo laban sa Tsina.
Nitong Martes, Hunyo 24, binisita ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. ang tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para silipin ang bultu-bultong shabu na nabingwit sa karagatan sa bahagi ng hilagang Luzon at dito ay ipinag-utos agad ng punong ehekutibo ang pagwasak sa mga nasamsam na iligal na droga.
Pinakahuling nadagdag sa hawak na droga ng PDEA ang nasa 1.5 tonelada ng shabu na may street value na aabot sa ₱10 bilyon, na nasabat ng mga tauhan ng Northern Luzon Naval Command (NLNC) ng Philippine Navy sa ilalim ng AFP Northern Luzon Command na lulan ng isang Philippine registered fishing vessel sa karagatang sakop ng Zambales nitong nagdaang linggo.
Ayon kay Philippine Navy spokesperson Captain John Percie Alcos, sakay ng nasabing fishing vessel ang ilang mga foreign national.
“This is one of the largest illegal drug apprehensions in the history of the Philippine Navy,” ani Capt. Alcos sa kanilang ulat kay Navy flag officer-in-command Vice Admiral Jose Ambrosio Ezpeleta.
Agad namang inutos ni Ezpeleta na ilipat sa Naval Operating Base sa Subic, Zambales ang mga droga para sa proper documentation at gagawing turnover sa PDEA na naging katuwang din ng NLNC na pinamumunuan ni Commodore Edward Ike De Sagon sa nasabing operasyon.
