NEWS
SC pinagpaliwanag Ehekutibo, Kongreso sa Macalintal petition laban sa BKSE postponement

8/19/25, 8:42 AM
Ni Samantha Faith Flores
Pinagpaliwanag ng Korte Suprema ang pamahalaang Marcos sa isang petisyon na naglalayong ipa-deklarang “unconstitutional” ang pagkansela ng 2025 barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE).
Partikular na pinasasagot sa petisyon na inihain ni beteranong election lawyer Romulo Macalintal ang Senado, Kamara de Representante, Executive Secretary Lucas Bersamin at ang Commission on Elections.
Ayon kay abogada Camille Ting, tagapagsalita ng Korte Suprema, hiling ng Supreme Court sa mga respondent na sagutin sa loob ng 10 araw mula sa pagkakatanggap ng direktiba.
Nagsampa si Macalintal ng petition for certiorari and prohibition with prayer for a temporary restraining order matapos na pirmahan noong isang linggo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12232 na nagpapaliban sa unang Lunes ng buwan ng Nobyembre 2026 ang una nang itinalaga ng batas na iskedyul ng BSKE election ngayon taon.
Kasama rin sa probisyon ng RA 12232 ang pagdagdag ng termino ng panunungkulan ng mga halal na barangay at SK officials mula sa tatlong hanggang apat na taon simula ng sila ay mahalatat magsimulang manungkulan.
Sa kanyang petisyon, idiniin ni Macalilntal na ang batas ay hindi naaayon sa Saligang Batas kung kaya ito ay dapat ipagbawal ng hudikatura.
“This is a clear violation of the people’s right to suffrage and a violation of their right to information affecting their constitutional right,” ayon kay Macalintal.
Dati nang nakapagpanalo si Macallintal ng argument sa Korte Suprema laban sa pagpapalawig ng termino ng panunungkulang ng mga barangay at SK officials.
Sa bagong petisyon, hiniling ni Macalintal sa Korte Suprema na magpalabas ng Temporary Restraining order o status quo ante order upang ipatigil sa Tanggapan ng Pangulo ang pagpapatupad ng RA 12232.
