NEWS
Roque: Labag sa Konstitusyon ang pag-eepal ng mambabatas sa pamimigay ng ayuda

2/20/24, 6:45 AM
Ang pag-eepal ng mga kongresista at senador sa pagmumudmod ng ayuda para sa mga mahihirap ay labag sa Konstitusyon at dapat nang itigil.
Ipinahayag ito ni dating presidential spokesperson Harry Roque nang susugan niya ang deklarasyon ni dating Senador Panfilo Lacson na labag sa desisyon ng Korte Suprema ang ginagawang pagmimigay ng cash aid ng mga miyembro ng Kongreso.
Ang pahayag ni Lacson ay base sa desisyon ng Kataas-taasang Korte ng bansa sa legalidad ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel na pumopondo sa mga proyekto ng mga kongresista at senador noon.
Ayon kay Lacson, bawal makialam ang sinumang kasapi ng Kongreso sa pamimigay ng pera sa ilalim ng Assistance for Individuals in Crisis Situation, Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) at Medical Assistance for Indigent Patient (MAIP).
Sa isang programang radyo, inayunan ni Roque si Lacson at idiniin nito na ang pagbabawal sa mga kongresista at senador ay napapaloob na sa desisyon ng Korte.
“Para kasing ginagawa nilang pork barrel iyan. Pinupulitika kasi nila iyan at ang nabibigyan lamang ay mga supporters ng mga pulitiko at hindi ang mga tunay na nagangailangan,” paliwanag ni Roque.
Tinukoy din ni Roque ang controversial na Ayuda sa Kapos ang Kita Program na pinapondohan ng Kamara sa 2024 national budget.
“Nakapagpagtataka po kung bakit naisingit itong halos PHP27 bilyon na hindi naman hiningi ng ahensya (DSWD) at hindi naman nalalaman ng ahensiya at pati ang Senado ay wala ring alam,” pagpunto ni Roque.
Ang paglalaan ng pondo sa AKAP ay ipinahayag ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng buong pagmamalaki sapagkat ang programa ay magbibigay ng PHP5,000 sa 12 milyong Pilipinong malapit nang maghikahos.
Sa mga nakalap na impormasyon ng Senior Times, napag-alaman na maraming nakatanggap ng AICS ay hindi naman hikahos na mga Pilipino. Ang pera ay nabibigay sa kanila sa pamamagitan ng pag-endorso sa DSWD ng mga kongresista.
