NEWS
Quiboloy arestado na

Photo from kami.com.ph
9/8/24, 11:14 AM
Naaresto na ang “wanted” na si Pastor Apollo Quiboloy na nagpapakilalang hinirang na anak ng Diyos, ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa kanyang Facebook post Linggo ng gabi (Setyembre 8).
Hindi muna nagbigay ng detalye si Abalos tungkol sa pagkakahuli kay Quiboloy na nahaharap sa maraming kasong kriminal na naisampa laban sa kanya sa Pilipinas at sa Estados Unidos.
“NAHULI NA PO SI APOLLO QUIBOLOY,” ayon sa post ni Abalos.
Ang pagkaka-aresto sa lider ng relihiyosong grupo na Kingdom of Jesus Christ ay kasunod ng pagbalik sa Pilipinas ng tinanggal na Bamban City Mayor Alice Guo na nahuli sa Indonesia noong Martes.
Nasa kustodiya na ng Philippine National Police si Guo matapos na ibalik siya sa Pilipinas noong Biyernes (Setyembre 6).
Katulad ni Guo na tumakas palabas ng bansa, si Quiboloy rin ay itinuring na “most wanted” ng mga pulisya bagamat wala pang napapatunayan sa mga hiwalay na paratang na kriminal laban sa dalawa.
Parehong ipinahuhuli sina Guo at Quiboloy ng dalawang kapulungan ng Kongreso matapos na hindi sila magpakita sa mga magkahiwalay na congressional hearings tungkol sa mga kontrobersyang kinasasangkutan nila.
May mga haka-hakang nakorner si Quiboloy sa mismong KOJC headquarters nito sa Davao City.
May ilang araw na rin itong pinasok ng mga PNP operatives bilang pagbalima sa arrest warrant laban kay Quiboloy na ibinaba ng korte at ng Senado.
Pilit pinipigilan ng mga abogado at mga tagasunod ng evangelist ang halos pagkubkob ng malawak na KOJC compound ngunit tila positibo ang mga pulis na nagtatago doon ang nagmamalaking “appointed son of God”.
Hindi pa sinasabi ng mga awtoridad kung saan idedetine ang pastor.
