NEWS
Protesta ng Duterte camp laban judges ibinasura ng ICC

6/11/25, 8:18 AM
Nabigo ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ipadiskwalipika ang dalawa sa mga huwes ng Pre-Trial Chamber I (PTC I) ng International Criminal Court (ICC) sa paghatol sa jurisdiction challenge na isinampa ng kanyang abogado.
Sa isang tatlong pahinang dokumento na ipina-upload sa ICC website, sinabi ng husgado na nagkakaisa sila na tanggihan ang aplikasyon para sa pagbago ng komposisyon ng PTC I na maglilitis ng kaso laban kay Duterte.
Hiniling ng mga abogado ng dating pangulo na tanggalin sina Judges Reine Adelaida Sophie Alapini-Gansou at Judges Maria del Socorro Flores Liera.
“The plenary of judges, acting unanimously, decided to reject the Application. A fully reasoned decision of the plenary will follow,” nakasaad sa desisyon na pinirmahan ni plenary president Judge Tomoko Akane.
Nag-protesta ang kampo ni Duterte laban kina Alapini-Gansou at Liera dahil ang dalawang huwes ay kasama sa panel na nagdesisyon na pahintulutan ang ICC prosecutor na simulan ang imbestigasyon sa madugong war on drugs na isinagawa noong siya ang pangulo ng Pilipinas.
Kinuwestiyon ng mga abogado ni Duterte ang kakayahang maging parehas ang dalawang huwes na nagbigay ng go-signal para maimbestigahan ang drug war noong 2021.
Ayon umano sa records nilisan na ng Pilipinas ang pagiging kasapi sa ICC noong Marso, 2019.
Sa kanilang sagot, sinabi nina Alapini-Gansou at Liera na walang katotohanan ang akusasyon ng mga abogado ng dating pangulo.
“We see no grounds in the current case that would have required us to seek to be excused or that could lead to our disqualification,” paliwanag ng dalawa.
Sumuporta rin ang prosecution sa kahilingan ng mga huwes na tanggihan ang petisyon ni Duterte.
Matapos na basahan ng sakdal noong Marso 14, si Duterte ay haharap sa PTC I sa Setyembre 23 upang kumpirmahin ang mga kaso laban sa kanya.
Kasalukuyang naka-detine sa Scheveningen Prison sa The Hague, Netherlands si Duterte na dinakip mula sa PIlipinas noong Marso 12.
