NEWS
Presyo ng isda, gulay inaasahang tumaas habang nalalapit ang Semana Santa

3/22/24, 10:36 AM
Ni MJ Blancaflor
Posibleng magmahal ang presyo ng isda at gulay habang papalapit ang Mahal na Araw, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Batay sa ulat ng Philippine News Agency, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na mararamdaman ang pagtaas ng presyo ng isda ng 10% hanggang 20% sa susunod na linggo lalo na simula sa Lunes, Marso 25.
Kaugalian na ng mga Katolikong Pilipino na umiwas sa pagkain ng karne ng baboy at baka tuwing Semana Santa.
"Kasi tayo, 85 percent Catholics ang mga Pilipino so that drives alone, na mga Katoliko na nagninilay, kasama na iyon especially for Black Friday," ani De Mesa.
Sa monitoring ng DA, nagkakahalaga ng P150 hanggang P220 ang bawat kilo ng bangus sa mga palengke. Nasa P180 hanggang P300 kada kilo naman ang galunggong, habang ang alumahan ay nasa P260 hanggang P360.
Para sa mga gulay, sinabi ni De Mesa na maaaring mayroon din ito nang bahagyang pagtaas sa presyo dahil alternatibong pagkain din it sa karne.
Sa kabila nito, hindi raw magpapatupad ng price cap ang DA.
