NEWS
Pilipinas may bantang maging kanlungan ng mga transnational crime orgs
%20(12).jpeg)
5/7/25, 9:01 PM
Ni Tracy Cabrera
BATASAN, Lungsod Quezon — Hindi malayong maging kanlungan umano ng mga transnational criminal ang Pilipinas kung hindi mababantayan nang husto ang mga junket operator, Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) at nasa likod ng mga crypto-transaction.
Babala ito ni House Quad committee chairman Robert Ace Babers ng Surigao del Norte kaya umapela ito sa lahat ng mga law enforcement agency at financial regulator na higpitan ang pagbabantay sa operasyon ng mga nabanggit.
“We must not be complacent. Our sovereignty, our national security, and the safety of our people are at stake. This is a battle we cannot afford to lose,” ani Barbers na nag-imbestiga sa POGO operations sa bansa.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos masangkot ang dalawang junket operator at crypto ecosystem sa paglaho ng P200 million ransom money na ibinayad ng pamilya ni Anson Que sa mga kumidnap dito.
Si Que kasama ang kanyang driver na si Armanie Pabillo ay dinukot noong nakaraang buwan at ipinatubos sa halagang P200 million subalit matapos mabayaran ng kanyang pamilya ang ransom ay pinatay din ang dalawang biktima.
Subalit nahuli din ang mga kidnapper ng dalawa na sina Richardo Austria David at Raymart Catequista sa Palawan at kasunod nito ay sumuko ang Chinese national na si David Tan Liao na itinuturing na pangunahing suspek sa kidnapping case.
Ayon kay Barbers, alam umano ng mga sindikato ang kahinaan ng Pilipinas pagdating sa digital finance infrastructure, kabilang na ang kulang na pagpapatupad ng mga 'know-your-customer' o KYC regulation ng e-wallet at virtual asset provider.
Sinasamantala umano ang kahinaan ito ng mga transnational crime organization kaya kailangang magbantay ng husto aniya ang mga financial regulator at maging ang mga law enforcement agency at biguin ang mga transnational crime organization na gamitin ang bansa sa kanilang mga iligal na transaksyon.
“It’s a toxic mix that’s endangering the safety of our people and the integrity of our financial and national security systems,” idiniin ng mambabatas.
