NEWS
PHP31-M 'Josephine Sleeping' sculpture ni Rizal, binili ng National Museum

Photo: Hana Bordey/GMA Integrated News
12/12/24, 3:00 AM
Binili ng National Museum of the Philippines ang isa sa mga huling iskultura ni Dr. Jose Rizal na nagtatampok sa kanyang kabiyak na si Josephine Bracken sa halagang P31 milyon.
Naibenta na noon ang iskulturang "Josephine Sleeping" sa nasabing halaga sa Kingly Treasures Auction ng Leon Gallery noong Nobyembre 30 sa isang bidder na hindi nagpakilala.
Subalit dahil sa National Museum of the Philippines Act o Republic Act 11333 na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong 2019, may kapangyarihan ang pambansang museo na pantayan ang bid upang maging pag-aari ang nasabing iskultura.
"A new law gave it (National Museum) seven days to invoke its right of first refusal and match the winning bid of P31.2 million at the recent Leon Gallery Kingly Treasures Auction last Nov. 30. When the dust had settled days after a fierce bidding war, the Museum board did just that in time for the hero’s 128th death anniversary this Rizal Day, Dec. 30," ani Lisa Guerrero Nakpil ng Leon Gallery sa isang Facebook post.
Dagdag niya pa, masaya ang anonymous bidder na napunta sa pamahalaan ang nasabing iskultura.
Kinikilala ang "Josephine Sleeping" bilang isa sa mga makasaysayang likhang sining na nakaligtas sa pagkawasak ng Maynila noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Pinaniniwalaang nailigtas ito matapos itago sa isang steel drum sa hardin ng apo ni Rizal.
May taas itong 6 sentimetro, haba na 24 sentimetro, at lapad na 7 sentimetro at naglalarawan kay Josephine na nakahiga at nakaunat sa isang klasikal na sopa.
May lagda ni Rizal ang nasabing iskultura.
Inaasahang itatanghal ito sa National Museum of Fine Arts para masilayan ng publiko, pero wala pang detalyeng ibinibigay ang pamahalaan.
