top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

NEWS

PhP100K cash gift para sa Aeta centenarians hindi dapat maantala - DSWD

Photo from www.philstar.com

2/9/26, 1:27 PM

Ni Samantha Faith Sabado

Hindi na kailangan mag-apply pa at idaan sa mahabang pamamaraan ang pag-proseso ng PhP100,000 cash gift na dapat ipamahagi ng pamahalaan sa mga nakatatandang nagdiriwang ng kanilang ika-100 na kaarawan.

Sa panayam ng SENIOR TIMES.PH, nagpahayag ng pagkabahala si Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian na matagal na pagka-antala ng pagbibigay ng birthday gift para sa apat na katutubong Aeta na naging centenarian noong pang 2024.

Sa isinagawang sistema ng implementasyon ng Republic Act 10868 o ang Centenarian Act of 2016, nagagawa ng DSWD na agaran ibigay ang cash gift ng PhP100,000 sa mga senior citizens na nagdiwang o magdiriwang ng kanilang ika-100 na kaarawan.

Ngunit sa probisyon ng RA 11982 o 2024 Expanded Centenarian Act na nag-amyenda ng RA 10868, kailangan ilipat na ng DSWD sa National Commission of Senior Citizens ang pag-implementa ng batas simula 2025.

Tumalima ang DSWD sa nasabing batas at inilipat nito sa NCSC ang pamamahala ng centenarian program.

Kasalukuyang minamadali umano ng NCSC ang pag-proseso ng aplikasyon ng apat na Aeta na nakatira sa Capas, Tarlac.

Umabot sa kaalaman ng pamahalaan ang sinapit ng apat na Aeta centenarians matapos na mag-viral ang kanilang video kung saan nila ipinahatid ang apela para sa kabayaran ng kanilang cash gift ayon sa Expanded Centenarian Act.

Ipinangako ni NCSC Chairperson Merceditas Gutierrez na agad ipapa-release ng ahensya ang cash gifts sa mga centenarians.

“Even with funding limitations last year, we immediately coordinated with the Department of Budget and Management to make sure the processing of qualified senior citizens continued without interruption,” paliwanag ni Gutierrez.

Sinabi naman ni Gatchalian na ang programang pang-centenarian ay inilipat na sa NCSC simula 2025. Ito ay mapapatunayan sa General Appropriations Act na nagbibigay ng alokasyon para pagpapatupad ng cash gift distribution para sa mga centenarians.

Idiniin ng DSWD chief na bago pa man inilipat sa NCSC ang responsibilidad na ipatupad ang nasabing batas, mayroon nang maayos ng sistema ng pagbabayad ang isinasagawa ng kanyang ahensya upang agarang maibigay ang cash gift ng mga benepisaryo ng centenarian program.

Dalawang taon munang nasa kamay ng DSWD ang implementasyon ng programa bago inilipat ang responsibilidad na ito sa NCSC sangayon sa tinatadhana ng batas.

“When we turned over this program to them (NCSC), we had a system in place, we were two years ahead. We already project who will turn 100, so that without the need of demand, cash gifts can be given,” paliwanag ni Gatchalian sa isang panayam ng SENIOR TIMES.PH.

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page