NEWS
PCSO sisiyasatin kung bakit 20 beses wagi sa lotto ang 1 bettor

3/13/24, 8:40 AM
Ni MJ Blancaflor
Nangako si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Mel Robles na paiimbestigahan niya ang ulat na may isang mananaya ng lotto na nagwagi nang 20 beses sa loob lamang ng isang buwan.
"I wouldn’t know [that]. Ako, personally, hindi ko po tintingnan ‘yon. Pero I’ll check, I’ll look into that kung meron pong ganon, kasi hindi naman po kami tumitingin na niyan after namin maibigay e," ani Robles sa isang panayam sa radyo.
Kasunod iyan ng pagbubunyag ni Senador Raffy Tulfo noong Martes, Marso 12, na may isang maswerteng mananaya na nakatyamba nang maraming beses sa loob ng isang buwan.
Lumabas daw ang pangalang iyon sa pagsusuri ng Senate Committee on Games and Amusement.
"Meron doon na isang tao, nanalo nang 20 times in one month. Meron doon, nanalo 10 times in one month," sabi ng mambabatas sa dzBB.
May posibilidad naman daw na magkakapangalan lang ang mga nanalo.
Sa kabila nito, patuloy daw ang pag-iimbestiga ng komite kasunod pa rin ng isyu ukol sa higit kalahating bilyong pisong premyo na napanalunan noong Disyembre at Enero.
Nauna nang itinanggi ng PCSO na may mga iregularidad sa kanilang operasyon, at iginiit na patas ang mga isinasagawang lotto draw dito.
