top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

NEWS

Patay sa Masara landslide umakyat na sa 92

2/17/24, 4:30 AM


Ni MJ Blancaflor

Patuloy pa rin ang pag-retrieve ng mga awtoridad sa labi ng mga nasawi sa landslide sa Maco, Davao de Oro na umabot na sa 92 habang 36 katao pa ang nawawala.

Iyan ang pinakabagong datos ng lokal na pamahalaan na inilabas dakong alas-7 ng gabi noong Huwebes.

Siyam sa mga pumanaw ang inilibing sa Mawab Public Cemetery noong Miyerkules, samantalang ang ilang bangkay na hindi pa nakikilala ay pansamantalang inilibing sa Maco Public Cemetery.

Kinunan muna ng DNA samples ang mga bangkay at nilagyan ng tanda ang mga kabaong nito.

Samantala, 32 katao na ang naitalang sugatan dahil sa pagguho ng lupa noong Pebrero 6.

Kasama sa natabunan ang ilang bahay, tatlong bus at isang jeep na naghihintay sa mga minero sa kalapit na mining site ng Apex Mining company.

Sa kabilang dako, pinalipat muna sa "tent city" ang mga apektadong pamilya na ilang araw ding namalagi sa mga paaralan upang di na raw makasagabal sa pagbubukas ng klase.

Ang mga tent ay donasyon ng iba't ibang non-government organizations.

Patuloy naman ang paghahanap ng lokal na pamahalaan ng relocation sites para sa kanila, sa tulong ng mga eksperto ng Mines and Geosciences Bureau.

Isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Maco, gayundin ang ilang probinsyang apektado ng ilang araw na ulan at baha sa rehiyon.

Kabilang dito ang buong Agusan del Sur, Lingig sa Surigao del Sur, Butuan City, at Las Nieves sa Agusan del Norte.

Tinatayang aabot sa P827 milyon ang pinsala sa imprastraktura at P502 milyon naman sa agrikultura ang idinulot ng masamang panahon sa rehiyon.

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page