NEWS
Paglago ng ekonomiya, bumagal noong Q4 2023

1/31/24, 1:30 PM
Ni MJ Blancaflor
Bigo ang pamahalaan na makamit ang target nito na paglago ng ekonomiya.
Nakapagtala lamang ang bansa ng 5.6% na paglago ng ekonomiya noong Oktubre hanggang Disyembre 2023, mas mabagal kesa sa inaasahang 6-7% ng administrasyong Marcos.
Mas mababa rin ito sa naitalang 7.1% growth rate sa huling quarter ng 2022 at 6% growth rate noong third quarter ng 2023 (Hulyo, Agosto, Setyembre).
Sa kabila nito, sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan noong Miyerkules, Enero 31, na isa pa rin ang bansa sa mga may pinakamagagandang ekonomiya sa Asya.
Aniya, sa mga bansang nakapag-release na ng kanilang Q4 2023 GDP growth, sinusundan natin ang Vietnam na may 6.7% growth habang naungusan natin ang China na nag-ulat lamang ng 5.2% at Malaysia na may 3.4%.
"More importantly, our full-year GDP for 2023 is now 8.6% higher than pre-pandemic levels," dagdag pa ni Balisacan.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, lumago pa rin sa huling quarter ng 2023 ang services sector ng 7.4%, maging ang sektor ng industriya (3.2%) at sektor ng agrikultura at pangisdaan (1.4%).
Umakyat daw ang imports ng 2.9% samantalang bumaba ang exports ng 2.6%.
Paliwanag ni Balisacan, higit na nagkaroon ng paglago sa ekonomiya noong 2022 dahil lumaki ang gastos ng pamahalaan dulot ng eleksyon at pagbili ng Covid-19 vaccines.
