NEWS
Pagbagsak ng rating ni PBBM sanhi din ng laganap na korapsyon

Si Pangulong 'Bongbong' Marcos Jr. (Larawan mula sa Yahoo Finance)
4/24/25, 7:38 AM
Ni Tracy Cabrera
SAN ANDRES BUKID, Maynila — Kinalampag ng Citizens Crime Watch Internationale United Force and Anti-Crime and Corruption (CCW-UFACC) ang administrasyong Marcos Jr. upang tugunan ang dumaraming krimen at laganap na korapsyon sa gobyerno kung nais nitong manumbalik ang tiwala ng mamamayan sa kakayahan nitong harapin ang mga problemang kinakaharap ng sambayanan, partikular na ang inflation at kahirapan.
Ito ang hinayag ng grupo kasabay nang pagpuna sa magkaibang pahayag umano ng dalawang opisyal ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa problema sa kidnapping sa bansa.
“Sana naman pag-aralan nilang maigi iyong mga ginagawa nilang (pahayag) sapagkat ngayon pong panahon, ang mga tao mukhang humihina po ang kanilang pagtitiwala at paniniwala sa atin pong mga pulis,” punto ni CCW president Jigs Magpantay habang idiniin na kailangang magpatupad na si Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. (PBBM) ng konkretong hakbang upang maibalik ang tiwala ng publiko sa peace and order situation sa bansa.
“Ito pong nangyayaring kidnapping cases nagbigay po ito, nagdudulot po ito ng takot lalo na po sa ating mga negosyante kaya siguro po ang ating gobyerno maglunsad sila ng decisive action para mahinto po itong nangyayari sa ating bansa ngayon,” dagdag-puna ni Magpantay.
Ayon pa sa anti-crime and corruption crusader, “dapat (nang) i-review (ng mga awtoridad) ang kanilang performance (at) hindi . . . na kinakailangang nakatutok na lang palagi . . . sa mga isyu na may kinalaman sa politika.”
Iginiit din ng grupo ni Magpantay na tila manhid na ang pamahalaan sa hinain ng mamamayan kaya hindi na pinakikinggan nito ang mga sentimyento ng publiko sa tuwing ipinararating nila ang kanilang mga agam-agam at problema sa mga opisyal ng gobyerno.
"Imbes na tugunan ang mga reklamo, madalas ay kinukuwestiyon pa ang katotohanan ng mga ito," tinukoy ng grupo sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng krimen, kabilang na ang kidnapping.
Hinamon ng CCW ang administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. na tugunan ang mga suliraning bumabagabag sa taongbayan dahil mahalaga na may ang konkretong aksyon upang matugunan ang lumalalang peace and order situation upang muling maibalik ang tiwala ng publiko sa mga awtoridad.
Kanila ring binanggit ang mga akusasyon hinggil sa katiwalian sa gobyerno na siya ring dahilan ng pagkadiskaril ng mga inisyatibong patungo sa kaunlaran at progreso.
