NEWS
Padilla nanawagan muli ng imbestigasyon ukol sa SMNI suspension

4/22/24, 9:07 AM
Muling nanawagan si Senador Robin Padilla ng imbestigasyon ukol sa indefinite suspension ng Sonshine Media Network International (SMNI).
Inihain ng mambabatas nitong Linggo ang Senate Resolution 1000 upang itulak ang Senate investigation sa isyu, in aid of legislation.
"The imposition of baseless suspension orders on SMNI not only constitutes a denial of due process but also an erosion of press freedom," ani Padilla, na chairperson din ng Senate Committee on Public Information and Mass Media.
Paniwala niya, bigo ang National Telecommunications Commission (NTC) na ipaliwanag kung bakit ipinag-utos nito ang suspensyon nitong Disyembre 2023.
Sa nasabing resolusyon, binigyang-diin ng senador na may karapatan ang publiko sa public information na hindi raw dapat masikil.
Ipinunto ni Padilla na makatutulong ang impormasyon sa "democratic decision-making" at pagbibigay ng iba't ibang perspektibo sa mga isyung panlipunan.
Noong Marso, iginiit din niyang wala umanong basehan ang pagsuspinde ng NTC sa SMNI at instrumental umano ang mga programa ng network sa "anti-terrorism campaign" ng pamahalaan.
Nakabinbin din sa Korte Suprema ang petisyon ng SMNI anchors at reporters laban sa NTC order na nagsususpinde ng kanilang operasyon.
