NEWS
Orange rainfall warning sa Metro Manila, 8 probinsya; La Mesa, Ipo Dams umapaw

7/21/25, 9:08 AM
Ni Ralph Cedric Rosario
Itinaas na ang orange rainfall warning sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan habang patuloy ang pagbuhos na malakas na ulan na naging sanhi ng pagbaha sa maraming lugar.
Lumagpas na rin sa spilling level ang La Mesa Dam sa Quezon City bandang alas-4 ng hapon ng Lunes (Hulyo 21), ayon sa PAGASA./
Bandang umaga pa lamang nag-anunsyo na ang Malacañang ng suspensyon ng operasyon sa mga sangay ng pamahalaan at klase sa lahat ng lebel sa Metro Manila at walo pang katabing probinsya simula ala-una ng hapon.
Bandang alas 3 ng hapon, umabot na sa 80.16 meters ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam.
“Waters from La Mesa Dam is expected to affect the low-lying areas/barangays along Tullahan River from Quezon City, Valenzuela City, Caloocan City, Malabon City and Navotas,” ayon sa PAGASA.
Samantala nagpakawala na ng tubig ang Ipo Dam sa Bulacan sa pamamagitan ng pagbubukas ng isang gate na naglalabas ng 65.7 cubic meters ng tubig sa bawat segundo simula alas 8 ng umaga ng Lunes.
Pinaghanda sa posibleng pagbaha at landslides ang mga sumusunod: Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliuag, Pulilan, Plaridel, Calumpit, Paombong at Hagonoy.
Binalaan na ang mga naninirahan sa mga nasabing lugar na maging alisto at maghanda nang lumisan para sa posibleng pagbabaha.
Bukod sa Metro Manila, ang mga probinsyang apektado ng orange fainfall warning ay: Cavite, Rizal, Bulacan, Pampanga, Zambales, Bataan, ilang bahagi ng Batangas at Laguna.
Ang orange rainfall warning ay nangangahulugang may panganib na ng pagbabaha sa mga mabababang lugar at mga tinatawag na flood-prone areas.
Ang patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan ay sanhi ng soutwest monsoon o habagat, ayon sa PAGASA.
