NEWS
NBI: Fire Inspector ipinasibak ng Ombudsman dahil sa pangingikil

8/12/25, 11:40 AM
Ni Ralph Cedric Rosario
Inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Martes na tinanggal ng Office of the Ombudsman sa serbisyo ang isang fire inspector matapos itong maaresto ng ahensya noong Hunyo dahil sa pangingikil sa mga aplikanteng nais maging fire safety officer.
Sa isang pahayag, sinabi ng NBI na napatunayang may pananagutang administratibo si Roy Sangueza Castro sa paglabag sa Seksyon 7 (d) ng Republic Act (RA) 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Kasama sa parusa kay Castro ang habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno, pagkakait sa kanyang benepisyo sa pagreretiro (maliban sa naipong leave credits), kanselasyon ng kanyang civil service eligibility, at pagbabawal na kumuha ng anumang civil service examination.
Naaresto si Castro ng NBI Central Visayas Regional Office (NBI-CEVRO) matapos magsampa ng reklamo ang isang aplikante sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Ayon sa nagreklamo, humingi umano si Castro ng PHP400,000 kapalit ng pag-apruba sa kanyang aplikasyon. Sinabi umano ni Castro na ang halagang ito ay “thanksgiving money” para maisama siya sa pinal na listahan ng mga kandidato na manunumpa bilang Fire Safety Officer.
Ginawa umano ni Castro ang mga kahilingan sa pamamagitan ng sunud-sunod na tawag at mensahe. Noong Hunyo 27, 2025, nagsagawa ng entrapment operation ang mga ahente ng NBI-CEVRO sa Cebu City na nagresulta sa pagkakaaresto kay Castro.
Sinampahan siya ng mga kasong paglabag sa Seksyon 3 ng RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), direct bribery sa ilalim ng Artikulo 310 ng Revised Penal Code, at grave misconduct sa ilalim ng RA 6713 sa Office of the Ombudsman–Visayas.
