NEWS
Motorcycle riders pinag-iingat sa sobrang init

4/27/24, 6:50 AM
Nagpaalala ang isang grupo ng motorcycle riders sa kapwa nila na motorsiklista na lalong mag-ingat sa daan sa gitna ng matinding init na nararanasan sa bansa.
Sa isang Facebook post, hinikayat ng Kapatiran sa Dalawang Gulong o Kagulong ang mga rider na magdala ng tubig at sikaping magpahinga kapag matagal na bumabyahe sa ilalim ng araw.
"Umaabot na sa 43 degrees Celsius ang heat index, mga Kagulong. Delikado na ito sa ating mga bumibiyahe kaya't maging handa at alamin ang mga dapat gawin," saad ng grupo.
"Huwag pilitin ang sarili na bumiyahe sa kainitan ng araw," dagdag pa nito.
Anila, dapat na maging alerto rin ang mga rider sa senyales ng heat stroke o kapag nakakaramdam ng hilo at pagod.
Kabilang daw sa mga dapat gawin kapag nakakaranas ng sintomas ay paghahanap ng malilim na lugar, pagpapahiga na elevated ang paa, pag-inom ng tubig, at paghuhubad ng pang-itaas na damit.
Maaari rin anilang paypayan o lagyan ng yelo ang bahagi ng katawan ng sinumang nangangailangan ng tulong.
Bukod sa mga rider, pinag-iingat din ng mga awtoridad ang mga manggagawa na direktang nasa ilalim ng init ng araw tulad ng construction workers, traffic enforcers, pati mga tindero't tindera sa kalsada.
