NEWS
MIAA paiigtingin ang pest control sa NAIA na tambayan din ng daga

3/2/24, 6:45 AM
Ni MJ Blancaflor
Rerebyuhin ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang mga kontrata nito ukol sa paglilinis at pest control sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos mabunyag na tinatambayan ito ng mga surot at daga.
Muling binulabog ng kontrobersya ang pangunahing airport ng bansa matapos makuhanan sa video ang pagala-galang daga rito, ilang araw pa lang ang nakalilipas nang ireklamo ito dahil sa surot.
"Sisiguraduhin namin na kailangan i-review ang cleaning process kasi ang ganito, maiiwasan naman po, lalo na if we observe cleanliness sa ating kapaligiran," ani MIAA Head Executive Assistant Chris Noel Bendijo sa isang panayam sa dzMM Teleradyo Serbisyo.
Papaalalahanan din daw ng MIAA ang mga food concessionaire sa airport na panatilihing malinis ang kanilang paligid.
Isa sa mga naiisip na dahilan ng mga peste ay ang mga pagkaing ibinebenta sa airport.
Babalangkas ng action plan sa Lunes ang MIAA ukol sa isyu at maiwasan ang insidente ng mga pagalang-galang peste sa NAIA.
Nagpahayag din ng pagkabahala si OFW Partylist Marissa Magsino sa mga peste sa NAIA dahil nakakaapekto ito sa mga pasahero at nakakasira sa imahe ng bansa.
Sinabi ni Magsino na dapat ding pagtuunan ng pansin ang mahabang pila sa mga immigration counter.
"Dagdag pa rito ang patuloy na problema sa congestion sa loob ng paliparan at ang mabagal na daloy ng trapiko sa paligid nito," ayon sa mambabatas.
