NEWS
Mga senador, kongresista ayaw magkasundo sa PhP200 wage hike

Photo from manilastandard.net
6/11/25, 11:03 AM
Wala pa rin linaw ang tuluyang pag-apruba ng panukalang batas upang dagdagan ang sahod ng mga manggagawa.
PhP200 umento ang itinutulak ng Mababang Kapulungan sa pangunguna ni Rodriguez Rep. Fidel Nograles habang PhP100 naman ang pilit na pinapa-apruba ng Senado na pinamumunuan ng Senate Committee on Labor sa ilalim ni Sen. Joel Villanueva.
“The House strongly prefers a transparent and deliberative bicameral process, rather than being bamboozled into accepting the Senate version wholesale, without discussion or compromise,” diin ni Nograles sa isang liham na ipinadala kay Villanueva nitong Miyerkules (Hunyo 11).
Sinuportahan ni Sen. Risa Hontiveros ang pagtatag ng bicameral conference committee upang magkasundo ang dalawang kapulungan tungkol sa halaga ng idadagdag na sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.
“Pareho namang sumasang-ayon ang Kamara at Senado na oras na para magbigay ng umento sa sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor,” paliwanag ni Hontiveros.
Samantala, hindi rin sinusuportahan ng economic team ng Pangulo na magdagdag ng PhP200 para sa minimum wage.
“This will result in the poorest of the poor, who are mostly in the informal sector and do not even make minimum wage, bearing the brunt of the impact of the wage increase,” ayon sa economic team.
