NEWS
Mga ikinasal ng ‘pekeng Pinay’ Mayor Alice Guo, ipapawalang bisa?

Photo from smartparenting.com.ph
9/17/24, 9:05 AM
Malaking debate ngayon ng mga legal experts kung ano ang mangyayari sa mga kasal na ipinaganap ng nasibak na Bamban (Tarlac) Mayor Alice Guo na inakusahang pekeng Pilipino at huwad ding alkalde.
Gayunpaman ang katanungan ay hindi diretsahang sinagot ng mga opisyal ng Philippine Statistics Authority (PSA) nang mag-usisa si 4Ps Partylist Rep. JC Abalos sa debate sa plenaryo ng Kamara kung saan tinalakay ang 2025 budget ng PSA.
Inalam ni Abalos kung ano ang mangyayari sa mga kasalang pinangasiwaan ni Guo habang umaakto itong alkalde ng Bamban, ngayon ngang “napatunayan na nga po na hindi Pilipino” ang dating meyor.
Ipinaliwanag ni Abalos na ayon sa batas ang kasal na pinangasiwaan ng isang taong walang awtoridad ay hindi kailanman magiging opisyal at ligal.
Matapos na kumonsulta sa mga opisyal ng PSA, ipinaliwanag ni Marika City Rep. Stella Quimbo na hindi pa muna masasagot ng tanggapan ang katanungan sapagkat ipino-proseso pa nila ang pagkansela sa birth certificate ng kontrobersyal na alkalde.
Sakaling makansela na ang birth certificate ni Guo at ito ay opisyal nang hindi Filipino citizen, doon pa lamang mapagtutuunan ng pansin ang mga kasalang namimiligrong mapawalang bisa.
Ngunit sa interview, inamin ni PSA National Statistician Dennis Mapa na mabigat na kontrobersyang legal ang katanungan ukol sa mga ikinasal ni Guo.
“Iyong mga lawyers namin hinahanap nila kung ano magiging effect. Kasi may sinabi sila na probisyon na in good faith naman, not necessarily (mapapawalang bisa),” palliwanag ni Mapa.
Ayon kay Mapa hindi pa tiyak ng PSA kung ilan at sino-sino ang mga mag-asawang ikinasal ni Guo habang siya ay punong bayan ng Camban.
Posible umano na walang apektado sapagkat maaaring walang sinuman ang nagpakasal sa awtoridad noon ni Guo.
Si Guo ay humaharap sa patong-patong na kaso matapos na lumabas sa Senate inquiry na siya ay hindi tunay na Filipino at hindi ipinanganak sa bansa.
Pinaghihinalaan din ang dating Bamban mayor na nasa likod siya ng mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na ngayon ay ipinagbabawal na sa PIlipinas.
