NEWS
Mga dapat malaman ukol sa kinatatakutang solar storm

12/23/23, 10:20 AM
By MJ Blancaflor
Kamakailan lang ay naglabas ang Fox Weather ng isang eksklusibong ulat na nagdulot ng takot at pangamba ukol sa isang phenomena na maaari umanong sumira sa internet ng ilang linggo o buwan.
Ang pangyayaring ito ay tinatawag na solar storm, o kilala rin bilang coronal mass ejections (CMEs), na tumutukoy sa biglang pagsabog o paglabas ng malaking dami ng plasma mula sa araw. Ito ay maaaring maganap pagkatapos ng mga solar flare o pagsabog ng enerhiya mula sa araw.
Kapag ang tumama ang plasmang ito sa ating planeta, maaaring magdulot ito ng mga pagbabago sa atmospera at puminsala sa mga sistema ng komunikasyon at teknolohiya, kasama ang internet.
Sa ulat ng Fox Weather, sinipi si Professor Peter Becker ng George Mason University — ang pangunahing mananaliksik ng proyektong tumututok sa mga solar storm ngayon — na nagsabing ang araw ay "papasok sa mas aktibong yugto ngayon."
"Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng tao na may pagtatagpo ng mas mataas na aktibidad sa araw at ang ating pandaigdigang dependence sa internet," aniya sa ulat ng Fox Weather.
Ano ang apektado, bukod sa internet?
Kasama sa mapipinsala ang kuryente, GPS, mga satellite, mga fiber optic cable na nasa ilalim ng lupa, at electronic devices. Nangangahulugan ito ng malawakang pagka-blackout at pagkaantala ng komersyo at palitan ng komunikasyon sa buong mundo.
Sa Amerika pa lamang, aabot sa $10 hanggang $20 bilyon kada araw ang ikalulugi ng ekonomiya, ani Becker.
Delikado rin ang buhay ng maraming tao sa buong mundo — lalo na iyong nasa industriya ng electronics, komunikasyon, at transportasyon, dagdag pa niya.
Nangyari na ba ito noon?
Iilang solar storms na ang tumama sa mundo. Noong 1859, nakapinsala na ito sa sistema ng telegraph, kung saan nagkaroon ng "sparks" sa mga linya ng telegraph — kahit di hamak na mas matitibay ang mga ito kaysa sa electronics ngayon.
Ayon kay Becker, may mga operator pa raw noon na nakuryente dahil sa hindi inaasahang pagtaas ng boltahe.
Noong 1989, nakapagtala rin ng solar superstorm na nagresulta sa 12 oras na blackout sa Canada at shortwave radio interferences sa maraming bansa.
Kailan ang susunod na mapaminsalang solar storm?
Patuloy ang pag-aaral ng mga eksperto ukol sa solar storm sa pamamagitan ng obserbasyon sa kalawakan, ground-based instruments, satellite data, at predictive models.
Nagde-develop ang ilan sa kanila ng mga paraan ng pag-forecast upang makapagbigay ng abiso sa paparating na solar storm sa lalong madaling panahon. Ilan sa mga ito ang nasa U.S. National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA) Space Weather Prediction Center at ang Institute for Earth-Environmental Research sa Japan.
Ang U.S. Naval Research Laboratory at mga siyentipiko mula sa George Mason University, na pinamumunuan ni Becker, ay bumubuo rin ng isang early warning system para sa solar storm.
Ano ang magagawa natin tungkol dito?
Ipinaliwanag ni Becker na sa oras na mag-abiso ang mga eksperto ukol sa paparating na solar storm, dapat na magsagawa ng mga hakbang tulad ng paglalagay ng mga satellite sa safe mode at pagpatay sa mga transformer upang maiwasan ang matitinding pinsala.
Dapat din aniyang palakasin pa ang digital infrastructure, tulad ng internet, upang mabilis na maibalik ang operasyon nito kung sakaling tumama ang solar storm sa mundo.
"At 'yan ay, syempre, isang hamon sa ekonomiya…Maaaring hindi mo ito kailanman kailanganin, at magkakahalaga ito ng trilyon upang tunay na palakasin ang sistema," saad niya. #
