NEWS
Metro Manila, iba pang lugar makakaranas ng mapanganib na heat index

4/16/24, 6:30 AM
Inaasahang makararanas ng mapanganib na heat index ngayong Martes, Abril 16, ang 24 na lugar sa Pilipinas kabilang ang Metro Manila.
Sa pagtataya ng PAGASA, ang pinakamataas na heat index sa araw na ito ay sa Dagupan City, Pangasinan na maaaring umabot ng 46 degrees Celsius.
Makararanas naman ng 42 degrees Celsius heat index ang Ninoy Aquino International Airport sa Pasay at 40 degrees Celsius sa Science Garden sa Quezon City, ayon pa sa state weather bureau.
Sa Luzon, ito naman ang pagtataya sa magiging heat index ngayong araw: Laoag, Ilocos Norte (42°C); Aparri, Cagayan (43°C); Tuguegarao City, Cagayan (42°C); ISU Echague, Isabela (42°C); Clark Airport, Pampanga (42°C); Munoz, Nueva Ecija (42°C); Baler, Aurora (42°C); at Casiguran, Aurora (42°C).
Sa ibang bahagi ng Luzon, ito naman ang tinatayang magiging heat index: Sangley Point, Cavite (42°C); Ambulong Tanauan, Batangas (42°C); Coron, Palawan (42°C); San Jose, Occidental Mindoro (42°C); Puerto Princesa City, Palawan (42°C); Aborlan, Palawan (43°C); Virac, Catanduanes (42°C); Masbate City, Masbate (42°C); at Pili, Camarines Sur (42°C).
Dagdag pa ng PAGASA, maaaring umabot sa 43 degrees Celsius ang heat index sa Roxas City sa Capiz at Iloilo City sa Iloilo.
Inaasahan namang 42 degrees Celsius ang heat index sa Dumangas, Iloilo at Catarman, Northern Samar.
Makararanas din ng 43 degrees Celsius heat index sa Zamboanga City, Zamboanga del Sur, ayon sa PAGASA.
Ang heat index na higit sa 42 degrees Celsius hanggang 51 degrees Celsius ay maaaring makasama sa kalusugan o magdulot ng heat cramps, heat exhaustion, maski pa heat stroke na mapanganib sa buhay ng tao.
