top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

NEWS

Mayor Binay sinasabotahe ang pamamahala ng EMBO barangays, ayon sa Taguig City

3/3/24, 1:10 PM

Dapat na umanong itigil ni Makati City Mayor Abby Binay ang pagsasabotahe at pagpapamalas ng galit laban sa Taguig City dahil sa pagkatalo ng siyudad sa kasuhan tungkol sa teritoryo ng huli.

Sa isang pahayag, kinondena ng pamahalaang lungsod ng Taguig si Binay sa pag-aakusa ng huli na ninakawan ang kanyang lungsod ng lupa at pasilidad na nasasakop ng teritoryo ng Taguig.

Matatandaang nanalo sa kaso ukol sa agawan ng teritoryo ang Taguig nang magdesisyon ang Korte Suprema na ang 10 EMBO barangay na pinaglalabanan ng mga ito ay legal na nasa hurisdiksyon ng siyudad ng Taguig.

Dahil na nasabing desisyon ng Korte, ipinasara ng Taguig ang Makati Park and Garden na umano’y patuloy na nag-ooperate ng walang permiso mula sa Taguig.

Iginiit ng Taguig na ang pagsasara ay nasa ilalim ng awtoridad ng Taguig dahil ang parke ay nasasakop ng teritoryo nito.

“Walang kredibilidad ang Makati na magkunwaring ninanakawan sila ng lupa at pasilidad gayong sila ang nahusgahang nangamkam ng teritoryo ng Taguig,” diin ng Taguig City.

“Ipinagmamalaki ng Makati na ang mga naturang pasilidad ay ipinundar ng Makati. Pero hindi binabanggit ng Makati na mahigit tatlong (3) dekada silang ilegal na kumulekta ng mga buwis sa lupain at negosyo sa EMBO, mga pondo na dapat ay sa Taguig napunta,” dagdag ng lokal na pamahalaan.

Sa pahayag ng Taguig City na pinangungunahan ni Mayor Lani Cayetano, hinamon nito si Binay na pagbigyan na ang matiwasay na pamamahala ng sampung barangay sa EMBO “kaysa patuloy na bitbitin sa puso ang galit dulot ng pagkatalo sa kaso.”

Bukod sa isyu ng parke, pagsabotahe rin umano ang ginawa ni Binayna pagsasara ng mga health centers na pinakikinabangan ng mga taga-EMBO.

Kung talagang mahal ni Binay ang mga taga-EMBO ay bakit niya ipinasara ang mga health centers, tanong ng Taguig.

Sa kabila ng walang tigil na sabotahe, ipinababatid sa lahat na agad nakapagtayo ang Taguig ng health center sa Southside, botika sa East Rembo at West Rembo, at assistance center sa Pembo. May telemedicine at shuttle service pa para dalhin ang mga pasyente sa mga PhilHealth-accredited health centers ng Taguig,” sabi ng pamahalaan ni Cayetano.

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page