NEWS
Marcos nasa likod ng hirit ni Gadon na pagpapalawig ng termino ng mga pulitiko?
.jpg)
4/4/24, 10:25 AM
Nabuko na umano na ang pananatili sa kapangyarihan pulitikal ang tunay na motibo ng pamahalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa binabalak na pag-amyenda ng 1987 Saligang Batas.
Ayon kay Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist France Castro ang paglantad ni presidential adviser on poverty alleviation Larry Gadon upang itulak ang pag-amyenda ng mga probisyong pulitikal sumusuporta sa ganitong opinyon.
“Bilang bahagi din ng Marcos administration, ang payo ni Larry Gadon ay lalong maglalantad na target din talaga ni Pres. Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabago sa political provisions ng Constitution tulad ng pagpapahaba ng term limits, pagtatanggal sa anti-political dynasty provisions at pagpapalit ng porma ng pamahalaan,” saad ni Castro sa isang text message.
“Sa isang banda, kapag sinunod nila ang pagtutulak ng Chacha- sa political provisions, ay malamang na lalong bababa ang trust at performance rating ni Pres. Marcos Jr. at mga alyado niya dahil di nila pinakikinggan ang daing at kahilingan ng mamamayan,” dagdag ng kongresista.
Iminungkahi umano ni Gadon sa Kongreso na isama ang pag-amyenda ng political provisions ng Charter sa itinutulak na pagbabago ng Saligang Batas.
Sumulat si Gadon kina Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez upang imungkahi na gawin nang anim na taon ang termino ng mga kongresista, gobernador, mayor at iba pang mga ibinobotong opisyal ng local government units.
“To dispel perceptions of extending incumbent official’s terms, maintain the term limit for the President, Vice President and Senators, with no possibility of reelection, and retain existing provisions of succession,” paliwanag ni Gadon.
Sa isang poll survey na isinagawa ng Pulse Asia, lumalabas na 88 porsiyento ng mga Pilipino ay ayaw sa anumang pagbabago ng Konstitusyon.
